TALO SA ITLOG, PANALO NAMAN SA DURIAN

TALO SA ITLOG, PANALO NAMAN SA DURIAN

January 19, 2023 @ 1:30 PM 2 weeks ago


GAYA ng sibuyas, ang presyo ng itlog ay pamahal na rin nang pamahal, at pumalo na sa 45 porsyento ang itinaas ng halaga nito hanggang sa ngayon.

Itlog pa naman ang pinakamurang makakain nating mga Filipino na nagbibigay ng protina. Dati sais pesos (P6) lang ito ngayon ay otso (P8) na mahigit.

Ang sabi nila, ang pagtaas ng presyo ng itlog ay dahil tumaas din ang patuka sa manok, na dati ay limang piso (P5) lamang ang ginagastos ng mga poultry owners kada manok para ito ay mangitlog.

Ngayon daw ay disinwebe (P19) na ang kanilang gastos.

‘Di kataka-taka kung ang bawat itlog ay sampung piso (P10) na sa mga susunod na mga araw.

Mamumulubi na tayong magtapsilog o kaya’y magmami nang may itlog.

Ang krisis na ito ay inabutan na, ng liderato ni Pangulong Bong Bong Marcos, na ngayon ay ginagawa ang lahat para maibsan ang ating mga paghihirap sa patuloy na pagsipa ng mga presyo ng bilihin dahil sa inflation..

Sa kabilang banda, may nadale namang maganda itong si PBBM sa kanyang official visit sa China. $260 million o P14.3 billion ng ‘fresh durian’ ang naisarang deal ng Pangulo na i-e-export natin sa mga Tsino.

Ang mga kumpanya sa China na Dole (Shanghai) Fruits and Vegetables Trading Co., Shanghai Goodfarmer Group at Dashang Group ang aangkat sa atin ng ‘durian’, na kung tawagin din ay “king of fruits”

Ang mga probinsiya ng Davao City, Davao del Sur at North Cotabato ang makikinabang dito dahil sila ang may pinakamaraming tanim na durian.

Ang kadunduang naisarado ni PBBM sa China nang dahil sa durian ay makakalikha rin ng tinatayang 10,000 direct at indirect jobs o mga trabaho sa ating mga kababayan.

Kung talo tayo sa presyo ng itlog, sigurado naman akong magiging pansamantala lamang ito habang naipanalo naman tayo ni PBBM sa ating durian.

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!