Manila, Philippines – Tinatayang nasa 20 pahina ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa kanyang ikatlong State Of the Nation Address (SONA) sa darating na Lunes, Hulyo 23.
Hindi man idinetalye ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang nilalaman ng SONA speech ng Pangulo ay sesentro naman ito sa kampanya laban sa ilegal na droga, korapsyon, rehabilitasyon sa Marawi at kahirapan.
“Tatalakayin niya ‘yong kanyang political will na gawin kung ano ‘yong mga plano niya sa bansa,” ani Go.
Sinabi pa ng binansagang Kuya Bong na pinag-aaralan na ng Chief Executive ang kanyang mga sasabihin pero sa 20 pahinang talumpati aniya nito ay asahan na ang mga adlib na gagawin ng Punong Ehekutibo.
“Sanay naman po tayo sa kanya.. naga-adlib siya at ano po ‘yung nasa puso niya ang sinasabi niya,” aniya pa rin.
Iyon nga lamang aniya ay nais kasi ng Pangulo na tapusin ang kanyang talumpati para sa Ulat sa Bayan sa loob lamang ng 30 minuto.
Sa kabilang dako, dahil simple lamang aniya ang Pangulo ay ‘Barong Tagalog’ ang isusuot nitong muli sa kanyang SONA.
Direktang sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na tila kailangan na ni Pangulong Duterte ng magagaling na speech writers.
Ito’y upang maiwasan na ng Pangulo ang mag-adlib at lumihis sa prepared speech.
Kung maganda aniya ang prepared speech ay walang dahilan para makapag-adlib pa ang Pangulo at maghayag ukol sa illegal na droga, terorismo, katiwalian at iba pa na walang kaugnayan sa inihandang talumpati ng mga speech writers. (Kris Jose)