TAMA ANG GALAW NI ES

TAMA ANG GALAW NI ES

December 1, 2022 @ 11:28 AM 2 months ago


MAGANDA ang ipinatutupad na bagong patakaran nitong ating Executive Secretary  Lucas Bersamin, na bago magtalaga o italaga ang isang opisyal, kinakailangan muna nitong magsumite ng  “clearances” mula sa mga korte, pulis at maging sa National Bureau of Investigation (NBI).

Kabilang na rito ang clearance na galing sa Civil Service Commission at Office of the Ombudsman.

Ano ang hangarin nito? Una, upang ang ‘appointing authority’ gaya niya at Pangulong Bong Bong Marcos  ay maiiwas sa anomang kahihiyaan kalaunan. Mapapahiya nga naman si PBBM kung sa bandang huli ay matuklasan na ang kanyang itinalagang opisyal ay nahaharap pala sa isang kaso o demanda. 

Maiiwasan nga naman ng pamahalaan na mag-appoint ng mga taong may mga kasong kriminal o administratibo, na maitalaga bilang opisyal ng isang ahensiya o kagawaran.

Maaring tumagal ang proseso, pero masasala nito kung sino talaga ang karapat-dapat at kwalipikado sa posisyon at di malagay sa alanganin ang Pangulo.

Ito raw, ayon kay ES ay nangyari na, at nakapag-appoint si PBBM ng ilan, na may mga hinaharap palang mga kaso.

Di ba nga, kahit sa ordinaryong trabaho, kinakailangan magsumite muna ng mga clearances ang aplikante. Ito ay para rin makasiguro na ang kanyang pagtratrabahuhan ay walang proproblemahin kung matanggap ang aplikante.

Gaya ng mga ordinaryong Filipino, ang mga nagnanais na mapwesto sa gobyerno ay kailangan na ring dumaan muna sa pagkuha ng clearances  bago maitalaga sa inaasam-asam na posisyon.

Kaya kung kayo’y nagbalak-balak na makakuha ng pwesto sa pamahalaan na pinatatakbo ng Administrasyong Marcos, simulan n’yo muna sa pagkuha ng  clearances na ating napag-usapan rito.

oOo   oOo   oOo   oOo   oOo 

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!