TAMA LANG NA HAWAK NG PANGULO ANG DA

TAMA LANG NA HAWAK NG PANGULO ANG DA

June 22, 2022 @ 8:49 PM 1 week ago


SA problema sa gutom at kahirapan higit na nasusukat ang kahalagahan at kredibilidad ng pamahalaan, lalo na sa mahihirap na bansa gaya ng mahal kong Pinas.

At ang maayos na paghawak sa mga ahensya ng pamahalaan na nakatayo para isulong ang pangangailangan ng sapat at masustansyang pagkain at labanan ang kahirapang kalakip nito ang isang napakahalagang usapin.

Kaya naman, tama lang ang desisyon mismo ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pangasiwaan ang buong Department of Agriculture hanggang sa makaabot ito sa puntong kaya na ng mga pangunahing sangkot dito ang makapagproduksyon ng mga pangangailangan ng bayan sa pagkain at sa apordabol na halaga.

MAGSASAKA, MANGINGISDA, MAGNINIYOG

Kasama sa pinakamamahalagang bahagi ng ating lipunan at may kaugnayan sa pagkain ang mga magsasaka, mangingisda at magniniyog.

Hintayin nating ilatag ni Pangulong Marcos ang mga plano at programa para sa mga ito.

Pero maaari nating sabihin na may mauulit na sistema ng produksyon mula sa dating sistema na pinairal ng ama nito na si dating Pangulong Apo Ferdie.

Naririyan ang pag-oorganisa sa mga magsasaka bilang mga kooperatiba para magkaisa sa produksyon ng palay, kasama ang mais, at gumamit ng mga siyentipikong paraan sa pagtatanim.

Hindi natin malilimutan ang programang Green Revolution at Masagana 99 na umabot sa pagkakaroon ng bansa ng sapat na suplay ng bigas hanggang sa magluwas ang bansa ng bigas sa ibang bansa.

Naitayo rin ang International Rice Research Institute sa UP Los Baños para magsaliksik sa uri ng palay na mabunga at maaani sa maikling panahon.

Nagkaroon din ng Biyayang Dagat na roon may organisasyon ang mga mangingisda para magkaroon ng mga de-motor na pangisda at binuksan ang mga bangko para magbigay ng puhunan sa mga ito.

Isinulong din ang mahusay at siyentipikong pag-aalaga at pagpaparami ng isda at iba pang produktong  tubig at dagat sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Ang mga magniniyog na responsable sa pag­susulong ng Pinas bilang isa sa pinakamalaking exporter ng coconut oil sa buong mundo ay naganap din nang itayo ang Philippie Coconut Authority na naglatag ng modernisasyon sa industriyang ito.

MGA DAM

Tubig ang isa sa mga pangunahing buhay ng palay at iba pang pananim at hindi natin malilimutan ang paggawa ng mga malalaking dam ni Apo Ferdie.

Naririyan ang Magat dam na kauna-unahang pinakamalaking dam sa Asya at pinakikinabangan ng Cagayan Valley at naitayo rin ang Pantabangan at Angat dam na pinakikinabangan ng Central Luzon, at Metro Manila na rin, partikular sa inuming tubig na na nanggagaling sa Angat dam.

Pare-pareho rin ang mga ito na pinanggagalingan ng murang kuryente para sa milyon-milyong mamamayan.

Kaya naman, dapat na hindi lang tayo manood kundi tumulong na rin sa gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos para sa makabagong agrikultura na nais niyang maipagpatuloy o mapundar para sa kapakinabangan ng lahat.