TAMA SI GATCHALIAN

TAMA SI GATCHALIAN

August 3, 2018 @ 7:41 PM 4 years ago


Sa isang pagdinig na ginawa kamakailan ng Senate committee on energy ay nabulgar na umaabot sa karagdagang P34 bilyon ang babayaran ng mga inosenteng power subscriber dahil sa red tape at iba pang katiwalian sa Energy Regulatory Commission.

Lumalabas na ang patuloy na pagkaantala ng pag-apruba ng ERC ng stranded contract costs (SCC) stranded debt (SD) rate application ng National Power Corporation (Napocor) ang rason kung bakit umabot sa bilyon-bilyong piso ang karagdagang kailangang bayaran ng mga consumer.

Inamin ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM), na ang pagkaantala ng pag-apruba sa nasabing mga aplikasyon ay nagresulta sa karagdagang P34.78 bilyon na pasanin para sa mga consumer, na katumbas ng power rate increase na P0.1973 per kilowatt hour (kwh).

Hindi maintindihan ni energy committee chairman Sen. Sherwin Gatchalian kung bakit kailangang ang taumbayan ang magpasan ng P34 bilyon, samantalang hindi naman nila kasalanan ang pagkaantala ng pag-apruba sa aplikasyon.

May katwirang magalit si Sherwin dahil talagang walang dahilan para magdusa ang bayan sa kasalanang ginawa ng ERC, bunga ng maling sistema at red tape sa ahensya.

Para sa atin ay kailangan ang agarang pagrebisa sa mga proseso sa ERC para mapabilis ang daloy ng trabaho roon.

Isa pa ay kailangang bumalangkas ng batas na kung sakaling magkaroon ng pagkaantala at kapalpakan sa mga trabahong ginagawa ng ERC, ay hindi ang mga power consumer ang magbabayad kundi ang mga taga-ahensya mismo.

Kaya naman suportado natin ang isinusulong na panukala ni Gatchalian na ERC Governance Act na naglalayong magkaroon ng transparency at accountability sa mga desisyong ginagawa ng ERC.

Maganda rin ang isa pang panukala ni Gatchalian na gamitin ang P204-bilyon mula Malampaya Natural Gas Project para mabawasan ang universal charge na sinisingil sa mga consumer na kasama sa kanilang buwanang  electricity bill.

Sakaling maaprubahan ang panukala ay magreresulta ito sa P2,033.76 na matitipid ng bawat sambahayan sa loob ng isang taon.

Sa unang tingin ay masasabing hindi masyadong malaki ang halaga subalit sa higit na nakararaming mahihirap nating mga kababayan ay malaking tulong na ito sa kanila.

Mabuti na lang at may mambabatas na tulad ni Gatchalian na may puso para isulong ang kapakanan ng mga mahihirap. – OPEN LINE NI BOBBY RICOHERMOSO