TAMANG BATAS KAILANGAN LABAN SA NUISANCE CANDIDATE

TAMANG BATAS KAILANGAN LABAN SA NUISANCE CANDIDATE

January 21, 2023 @ 1:30 PM 2 weeks ago


LUMALABAS na hindi pa rin naging epektibo ang mas maagang pag-file ng certificate of candidacy para sa isang halalan dahil nand’yan pa rin ang tinatawag na nuisance candidates.

Kung kaya eto na siguro ang tamang panahon na mabilis na pag-aralang mabuti ang paghulma ng isang batas para sa early CoC filing na kinapapalooban ng sapat na panahon para sa Commission on Elections sa pagbusisi ng mga k’walipikadong kandidato at pagtanggal sa listahan ng tinuturing na nuisance bets.

Walang tayong masasabi sa’ basic rules’ na pinatutupad ng Comelec hinggil sa isang halalan kung saan walang kinikilalang estado sa buhay – basta Pilipino, nasa hustong gulang at rehistrado, pwedeng bumoto at maging kandidato.

Subalit sa mga nakalipas na panahon, mistulang binaboy ang haliging patunay ng malusog na demokrasya. Ang mga karapat-dapat natatalo bunsod nang kawalan ng sapat na perang pantustos sa kampanya o di naman kaya’y dahil sa maruming politika.

Kaya tama lang sigurong bigyang pansin ito ng ating mga mambabatas—isang batas para sa mas maagang paghahain ng CoC.

Mahalagang dapat nakapaloob sa gagawing batas ay ang sapat na panahon, sabihin natin 45 araw, upang resolbahin ng Comelec ang gusot na dulot ng nuisance candidates.

Kung mangyari iyan at dapat lang na pag-aralan at isabatas eto para hindi na sana aabot pa sa tagpong may mga residenteng wala pang kinatawan hanggang ngayon sa ating Kongreso.

Ang bagumbago at malaking halimbawa ay ang kaso ni Zamboanga First District Congressman Romeo Jalosjos Jr. na kung saan ang mga residente ng nasabing distrito ang lumabas na talunan at kaawa-awa dahil biglang nawalan sila ng kinatawan at biglang may naging ‘caretaker, ating napag-alaman, na hindi ito umano naka-focus sa kanyang trabaho.

Kahit wagi sa opisyal na resulta ng bilangan pero hindi pinayagan umupo ito bilang Kinatawan ng distritong kanyang kinalakihan.

Ang puno’t dulo ng aberyang nag-iwan sa Unang Distrito na walang kinatawan sa Kamara – isang ‘panggulo’ sa pangalang Frederico Jalosjos na pinaniniwalaang pakawala ng kabilang kampo.

Ang totoo, hindi na bago ang pagsosoga ng mga ka-apelyido ng kalabang pulitiko – para sa mga pwesto sa lokal o nasyunal, meron n’yan.

Katunayan maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang maghain ng kandidatura noong Oktubre 2021, may ka-apelyidong tulad niyang target at masungkit ang trono sa Palasyo.

Dahil walang kinatawan sa Kamara, ang mga taga-Zamboanga ngayon pawang nganga na muna dahil sa direktiba ng Korte Suprema.

Sa ganang akin, hindi na dapat pang masama sa balota ang pangalan ng nuisance candidates na ang diskarte lang nama’y kumita.

Kung wala na ang pangalan ng mga ‘panggulo’ sa balota, hindi na malilito ang mga botante.