TAMANG BIYAHE

TAMANG BIYAHE

March 10, 2023 @ 1:25 PM 2 weeks ago


HINDI ito ang unang welga ng mga tsuper ng jeep laban sa PUV Modernization na programa ng gobyerno. At sigurado ako, hindi ito ang huli. Pero sigurado ako, kakaiba ang welgang ito dahil isang buong linggong tigil-pasada ang kinasa ng mga pambansang samahan ng mga drayber at operators.

Sa pagsulat ko ng kolum na ito, binawi na ng PISTON at MANIBELA ang kanilang tigil-pasada at sinabing aasa sila sa mga pangako ng Malacanang pagkatapos ng isang pulong. Mabuti naman at hindi na nagtagal ang welga at merong usapan na nangyari at naibsan na rin kahit papano ang hirap ng mga tsuper at komyuter.

Kung susuriin naman kasi nang mabuti, halos lahat ay talo sa tuwing merong tigil-pasada. Mahirap sumakay, apektado ang mga manggawa at mga estudyante, walang kikitain si Manong drayber at operator, at wala ring iikot na pera sa mga vendors, sa mga kainan, pati na ang mga gasolinahan. Babagal ang komersyo, ika nga.

Pero hindi lang din naman dapat sa mga drayber at operator ang sisi.

Tanggap na nga nating lahat na kailangan ng modernisasyon. Para mas ligtas, maayos at malinis ang pampublikong transportasyon. Naiintindihan din natin na kailangan lahat ng sector ay maging bahagi sana ng pagbabago.

Ang mahirap lang lunukin ay mukhang mga drayber at operator lang ang babalikat sa paggastos para maabot at mangyari ang modernisasyon. Seryosong usapin kung saan kukuhanin ni Manong Drayber ang buwanang ibabayad n’ya sa P2.4 milyong uutangin sa kooperatiba para mabili ang modernong jeepney. Pwera pa ang mga babayaran n’yang membership fees at processing fee sa kooperatibang sasalihan n’ya.

Sana nga ay totoong pag-aralan at aksyunan ng gobyerno ang mga panukalang solusyon para maitawid ang modernisasyon ng mga jeepney. Sapat na pautang para makabili ng bagong yunit ang mga drayber, ang pag-gamit ng mga lokal na gawang modernong jeep at sapat na panahon para maka-adjust ang mga apektadong tao, kasama na ang mga komyuter.

Hindi tayo tutol sa modernisasyon, pero hindi ito dapat dagdag pahirap sa mga malilit na mga drayber at operators. Yan ang tamang biyahe.