Tamaraws, pinaluhod ang Falcons sa overtime

Tamaraws, pinaluhod ang Falcons sa overtime

October 9, 2018 @ 1:45 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Binahiran ng FEU Tamaraws ang 5 streak win ng Adamson Soaring Falcons sa nakaraang laban nito sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Season 81 noong October 7 sa Smart Araneta Coliseum.

Nagmistulang agawan bola ang laro sa pagitan ng Tamaraws at Falcons dahil sa papalit-palit na lamang ng puntos sa pagitan ng dalawa sa overtime. Sa nahuhuling 20 segundo, sa iskor na 86-85, umarangkada si Richard Escoto na nag-panalo sa Tamaraws sa puntos na 88-85.

Ito ang ikalawang panalo ng Tamaraws na nagdala sa kanila sa 4th place ng league standings ngayong season. Sila rin ang kauna-unahang kupunan na nakatalo sa Adamson soaring falcons.

“Ang ine-emphasize ni Coach Olsen (Racela) ay sustain, sustain, sustain,” ani FEU assistant coach Eric Gonzales. “Salamat, at kami ang nanalo,” dagdag pa nito.

Nanguna sa laro ang forward ng Tamaraws na si Arvin Tolentino na nag-ambag ng 19 puntos para sa kupunan. Sinundan naman ito ng point guard na si Hubert Cani na may 14 puntos at si Wendell Comboy na may 13 puntos.

Samantala si Jerick Ahamnisi naman na point guard ng Adamson Soaring Falcons ay nag-tamo ng 21 puntos na binigyang suporta ni Sean Manganti na mayroong 20 puntos at si Papi Sarr na nakapag-ambag ng 15 puntos para sa falcons.

Kasalukuyang 4-2 ang standing ng FEU Tamaraws at 5-1 sa Adamson Soaring falcons. Abangan ang susunod na laro ng UAAP MBT Season 81 sa pagitan ng Ateneo Blue Eagles at FEU Tamaraws sa Sabado, ika-10 ng Oktubre sa Mall Of Asia Arena./Remate News Team/Intern, Gwyneth Dennisse Cura