Tambak na bangkay ng Bilibid inmates, inilibing na

Tambak na bangkay ng Bilibid inmates, inilibing na

November 25, 2022 @ 5:20 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagsimula nang ilibing ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Biyernes, Nobyembre 25 ang tambak na mga bangkay ng New Bilibid Prison (NBP) inmates.

Ayon sa ulat, nasa 60 bangkay na ang nailibing ngayong araw sa NBP cemetery sa Muntinlupa City.

Ang mga bangkay na ito ay hindi na kinuha ng kani-kaniyang pamilya ng mga ito kung kaya’t ilang buwan din na natambak sa punerarya.

Inaasahan na sa susunod na linggo ay marami pang mga ililibing na bangkay ng mga persons deprived of liberty (PDLs).

Sa impormasyon ng BuCor, ang mga bangkay na ito ay mga inmates na namatay mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.

Inaasahan na sa susunod na Biyernes, Disyembre 2 ay may 60 pang katawan ang ililibing ayon kay BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang.

Ang mga nasabing bilang ay bahagi ng 176 na mga nasawing NBP inmates na nadiskubre ng mga awtoridad sa Eastern Funeral Homes kamakailan.

Ani BuCor Senior Superintendent Ma. Cecilia Villanueva ng Directorate for Health and Welfare Services, dahil sa paglilibing, mayroon pang 40 bangkay ang naiwan sa nabanggit na punerarya.

“May I make mention po na kaya po merong unclaimed may mga dumadating pong relatives, hindi na po talaga kine-claim yung body, kinukuha na lang po yung death certificate,” sinabi ni Villanueva.

Dagdag pa niya, mayroong 90-araw na ibinibigay na palugit para kunin ng pamilya ng nasawing inmate ang bangkay nito.

“Kaya nga po tumatagal ng 90 days kasi po parang binibigyan namin sila ng pagkakataon na baka po may dumating pa na relatives. Eh yun nga rin po yung baguhin kasi masyado pong mabaha,” ani Villanueva.

“Pero sa totoo lang po bihirang bihira po na may pumupuntang relatives kaya po naiipon. HIndi naman po namin gusto na yun po ang nangyari,” dagdag pa niya. RNT/JGC