Tambak na basura sa ospital sa Quezon inirereklamo

Tambak na basura sa ospital sa Quezon inirereklamo

January 31, 2022 @ 7:40 AM 8 months ago


QUEZON – Pinaiimbestigahan ngayon sa lokal na gobyerno ng mga residenge sa Quezon province ang lumutang na bidyo ng tambak na medical waste sa likod umano ng Quezon Medical Center na matagal nang nakabuyangyang doon.

Giit ng mga concerned citizen malapit sa likurang bahagi ng ospital na baka ibang sakit naman ang makuha nila dahil sa mga sinasabing tambak na basura sa gitna ng paglaganap ng COVID-19 pandemic sa bansa.

“Nag- aalala nga kaming mga tagarito dahil sa malansa at napakabahong amoy ng mga basurang ‘yan ng QMC. Baka hindi dahil sa COVID kundi dahil sa masangsang na amoy na yan kaya kami magkakasakit at mamamatay”, hinaing ng isang residente malapit sa lugar na tumangging magpakilala.

Giit nila na dinulog na nila ang kanilang reklamo sa pamunuaan ng ospital pero hindi pa ito naaaksyunan.

Maging ang mga madre sa Mt. Carmel Diocesan General Hospital na malapit lamang sa lokasyon ng QMC ay nagrereklamo na umano sa sangsang ng amoy ng mga basura.

Hula ng mga residente na posibleng may problema sa gitna ng waste collector at ng ospital kaya hindi nakukolekta ang mga basura.

Dumiretsyo na ang mga apektadong residente sa tanggapan ni Governor Danilo Suarez upang kanyang aksyunan ang problema sa QMC pero wala pa umano itong tugon. RNT