Tambak na labi ng NBP inmates pinaiimbestigahan ng Task Force Detainees

Tambak na labi ng NBP inmates pinaiimbestigahan ng Task Force Detainees

November 21, 2022 @ 5:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan at pinapaayos ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ang sistema ng National Bilibid Prison na dahilan sa pagdami ng naipong labi ng mga bilanggo sa isang punerarya sa Muntinlupa City.

Ipinaliwanang ni TFDP Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm, at executive secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) na ang bawat isa sa mga bilanggo ay may pangalan, pamilya at may pagkakakilanlan na nararapat bigyang halaga ang buhay hanggang sa kamatayan.

Iginiit ni Fr. Buenafe na may mali sa kasalukuyang sistema ng National Bilibid Prison upang umabot sa mahigit 170 ang naipong labi ng mga bilanggo sa punerarya.

“Naiyak ako dahil they may be strangers to me but they are persons, they are people, they have names, they have families, hindi ko alam kung ano ang system diyan sa Bilibid kung bakit dumami ng ganun, so napabayaan something is wrong in the system na mag-store ka ng cadavers. Siguro walang nag-claim, ang sabi walang nagclaim na mga pamilya o hindi na makita ang address pero is it the way we treat our beloved dead, the dead?” pahayag ni Rev. Fr. Buenafe sa Radio Veritas.

Binigyan diin ng Pari na bukod sa pagsasaayos sa sistema ng NBP ay dapat ding maimbestigahan ang dahilan ng pagkamatay ng mga bilanggo at ilibing ang lahat ng ito na may dangal.

Ayon kay Fr. Buenafe, mahalagang maunawaan ng lahat na ang patuloy na pagbibigay-dangal sa mga yumao ay isang paraan ng pakikipag-isa sa mga namayapa na pagsasabuhay sa tinatawag na Communion of Saints.

Natuklasan ang labi ng mga bilanggo sa Eastern Funeral Services nang nagsagawa ng imbestigasyon at autopsy si Dr. Raquel Fortun sa mga pumanaw na NBP inmates bunsod ng pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid. Jocelyn Tabangcura-Domenden