TAMBALANG BBM AT SARA ‘DI MAAWAT SA PAGLIPAD

TAMBALANG BBM AT SARA ‘DI MAAWAT SA PAGLIPAD

December 10, 2021 @ 8:16 AM 10 months ago


Aminado ang karamihan na kung ngayon gaganapin ang eleksyon sa pagka-Pangulo at Bise-Presidente, maliwanag pa sa sikat ng araw na panalo na sina Partido Federal ng Pilipinas presidential candidate Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.

Isipin niyo naman na sa gitna ng kaliwa’t kanang batikos at disqualification cases na isinasampa kay BBM at pambabalahura kay Inday Sara,hindi ito tumatalab sa kanilang milyong tagasuporta. Sa halip, mas lalo pang tumataas ang popularidad nila.

Patunay rito ang isinagawang caravan noong Miyerkules na mistulang sumulwak ang Commonwealth Avenue, Quezon City ng mga taga-suporta ng BBM-Sara tandem na ayon sa Quezon City Police District ay umabot sa libo-libo katao ang dumalo.

Sinabi ni Atty.Vic Rodriguez, tagapagsalita ni BBM at ilang organizer ng caravan na hindi nila sukat akalain na dadagsain ito ng supporters sa kabila ng pagkontra ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hayagang sumusuporta sa kampo ni Vice-President Leni Robredo.

Mismong si Bongbong ang humingi ng paumanhin sa mga motoristang ilang oras din na apektado bunsod sa usad-pagong na daloy ng trapiko mula Commonwealth hanggang Welcome Rotonda.

Hindi talaga mapigilan ang pag-martsa ng mga tagasuporta ng dalawa sa lahat na lang yata ng sulok ng bansang dinudumog ang caravan batay sa posts at live coverage ng mga netizen sa social media dahil hindi naman ito ipinapalabas sa naglalakihang tv networks.

Maging sa balwarte ni Robredo sa Bicol, dagsa ang supporters nina BBM at Sara sa isinagawang caravan doon lalo na sa Albay, Sorsogon, Masbate, Catanduanes, Camarines Sur at Norteng pinaniniwalaang hindi masusungkit ng Bikolanang si Leni ang mataas na boto.

Ang punto, hindi tumatarak sa isipan ng sambayanan ang mga isyu’t kontrobersiyang ibinabato laban kay Bongbong sa halip ay mas lalo pang kinakampihan ito ng nakararaming kababayang mulat na walang kasalanan ang anak sa pagkakamali ng amang diktador.

Masakit man tanggapin ng kanilang kalaban subalit hindi na talaga mapigilan ang tuluyang paglipad ng dalawang animo’y ibon na kahit anomang tali sa pakpak ay nakakawala pa rin.

Sa susunod na isyu ay hahambalusin natin ang ISANG MAYOR SA SAMAR NA UTAK NG ILLEGAL FISHING SA MASBATE. ABANGAN!