Manila, Philippunes – Pinaalalahanan kahapon ni Senador Grace Poe ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagpapatupad ng anti-tambay operations na hindi lumalabag sa karapatang –pantao ng mamamayan.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na kanyang kinikilala ang layunin ng operasyon laban sa mga tambay, ngunit kailangan may oryentasyon ang pulisya hinggil sa posibleng paglabag sa karapatang-pantao.
“Kinikilala natin ang mga layunin ng operasyon laban sa mga ‘tambay.’ Gayunpaman, nangangailangan ang implementasyon nito ng maliwanag na panuntunan at mga dapat bantayan laban sa paglabag sa karapatang pantao,” ayon kay Poe.
Sinabi ni Poe na dapat bigyan muna ng oryentasyon ng Philippine National Police ang mga alagad nito kung paano dapat tratuhin ang mga sinasabing tambay na may konsiderasyon sa mga karapatan nito na malay sa pinakamataas na antas ng pagtitimpi na inaasahan mula sa mga awtoridad.
“Nais nating magtagumpay ang operasyong ito upang malinis ang ating mga kalsada mula sa mga kriminal at iba pang masasamang elemento, nang hindi nagtatanim ng takot at pagdurusa sa madla,” aniya.
Kamakailan, umani ng pagbatikos ang PNP hinggil sa walang patumanggang pag-aresto ng mga taong nasa labas ng kanilang tahanan, kabilang ang mga nakatambay sa mga kalyehon at eskinita. (Ernie Reyes)