Tampakan open-pit mining bantay-sarado ng DENR

Tampakan open-pit mining bantay-sarado ng DENR

May 18, 2022 @ 6:10 PM 1 month ago


SOUTH COTABATO – Nangako ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na mahigpit nilang babantayan ang Tampakan copper-gold project para sa proteksiyon ng kapaligiran at obligasyon sa rehabilitasyon kapag nagsimula  na muli ang operasyon nito.

Ipinahayag ni DENR Acting Secretary Jim O. Sampulna ang pangakong ito matapos na amyendahan ang Environment Code ng South Cotabato partikular na ang pag-alis ng open-pit mining ban na inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato noong Mayo 16.

Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng hudyat ang Sagittarius Mines, Inc. (SMI), ang proponent ng Tampakan copper-gold project na ipagpatuloy ang ‘development’ ng lugar maging ang ‘commercial extraction’ ng mina.

“The environment will not be sacrificed. We will see to it that the soon-to-commence Tampakan copper-gold project will be strictly monitored in compliance with applicable mining and environmental laws, rules, and regulations,” saad ni Sampulna.

“We will also require SMI to invest in equipment and manpower to ensure mitigation in case of any adverse impacts from the mining operation,” dagdag nito.

Kaugnay nito samantala, tiniyak naman ni DENR-MGB Director Wilfredo Moncano na mayroong modernong teknolohiya na magagamit para maibsan ang maaaring maging epekto sa kapaligiran ng mining operations.

“We also have the DENR policy that requires mining companies to provide funds in all stages of the mining operation necessary for environmental protection and enhancement,” sabi nito.

Samantala naatasan din ang DENR-MGB na bumuo ng ‘multipartite monitoring team’ na magiging responsable sa pagsasagawa ng quarterly environmental monitoring at audit ng operasyon ng mining company upang matiyak na sumusunod ito sa environmental laws.

Bunsod nito bubuo din ng Mine Rehabilitation Fund Committee (MRFC) na siyang titingin sa pamamahala at paggamit ng pondo para sa SMI’s Environmental Protection and Enhanced Program, progressive rehabilitation at social development sa pamamagitan ng livelihood activities para sa mga residenteng naninirahan malapit sa project area. Santi Celario