Tangkang human trafficking sa NAIA iniimbestigahan na ng BI

Tangkang human trafficking sa NAIA iniimbestigahan na ng BI

November 20, 2022 @ 10:11 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nagsimula na ang imbestigasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa hinihinala na tangkang human trafficking sa tatlong biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Nobyembre 6.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ipinag-utos na niya ang pagbusisi sa naturang insidente.

“We received a copy of a report that the three were intercepted by security guards and airport police early Sunday morning,” ani Tansingco.

Dagdag niya, ang tatlong indibidwal, dalawa dito ay babae at isa ay lalaki, ay napaulat na gumamit pa ng pekeng airport access pass upang makapasok sa boarding gate.

Nagpakita rin umano ng identification cards ang mga ito patunay na sila ay nakapagtrabaho na sa iba’t ibang establisyimento sa paligid ng airport.

Nang suriin itong mabuti ay napag-alaman na peke pala ang mga ID.

Dagdag pa, nadiskubre rin ng BI na peke ang mga immigration stamps nito.

Sa ulat, ang mga hinihinalang trafficking victims ay magkakahiwalay na lilipad sana patungong Bangkok, Kuala Lumpur at Singapore.

Samantala, sinabi ni Tansingco na inamin ng isa sa mga biktima na papunta sana sila sa Lebanon upang magtrabaho roon kahit na walang mga kaukulang dokumento.

“This is a clear case of human trafficking, and is very alarming considering that they are trying to use these schemes to try to evade strict immigration inspection,” dagdag niya. RNT/JGC