Tangkang human trafficking sa NAIA, naharang ng BI

Tangkang human trafficking sa NAIA, naharang ng BI

December 8, 2022 @ 4:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Napigil ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagtatangka ng sindikato ng human trafficking na ipuslit ang isang pamilya ng apat na Arab national sa United Kingdom.

Nabatid kay BI Commissioner Norman Tansingco, naharang ang apat na pasahero, isang ina at tatlong anak nito, sa NAIA terminal 3 noong Nobyembre 23 matapos tangkaing sumakay ng Cathay Pacific flight papuntang Hongkong patungo sa UK.

Ayon kay Tansingco, ipinakita ng mga dayuhan ang kanilang Seychelles passport sa airline at opisyal ng imigrasyon kung saan pinagdudahan ang pagiging tunay ng kanilang mga travel documents.

Sa pagsusuri na isinagawa ng forensic documents laboratory ng BI, nakumpirma na ang mga passport na ipinakita ay peke.

“They are now undergoing investigation by our legal division after which they will be sent back for using spurious immigration documents,” ani Tansingco.

“The foiled human trafficking try was the handiwork of an international syndicate that attempts to use Manila as a transit or jump-off point for its victims,” dagdag pa ni Tansingco.

Ibinahagi ni Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief, na ang mga pasahero ay dumating sa Maynila noong Nobyembre 6 at nanatili rito ng mahigit dalawang linggo bago i-book ang kanilang outbound flight.

“Until now we are still trying to ascertain their true nationality as there is difficulty getting information from them,” ani Capulong.

Nabatid na nakuha rin ng mga tauhan ng BI mula sa mga pasahero ang kanilang UK national identity card na napag-alamang peke. JAY Reyes