Tanke ng langis sa lumubog na barko sa Mindoro, buo pa – PCG

Tanke ng langis sa lumubog na barko sa Mindoro, buo pa – PCG

March 13, 2023 @ 2:31 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang Philippine Coast Guard na operational fuel pa lamang ang oil spill na mula sa lumubog na motor tanker at hindi pa ang 800,000 litrong industrial fuel oil na karga nito.

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, na base sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ang tanke ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro ay buo pa.

“Merong image na binigay samin ‘yung NAMRIA at mukhang intact pa po ‘yung tanker at wala pang nakikitang tagas na maramihan na nanggagaling doon sa kanyang mga tanks,” sabi ni Balilo.

Sinabi ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na ang NAMRIA ang nakakita sa lumubog na barko na nasa 400 metro sa ilalim ng dagat, 7.5 nautical miles mula sa Balingawan Point.

Ayon kay Balilo, maaring hindi pa industrial fuel mula sa motor tanker ang mga langis na kumalat sa mga baybayin sa ilang bayan sa Oriental Mindoro.

“Hindi pa. Feeling ko nga, hindi pa talaga lahat ay tumatagas. ‘Yun nga ang inaagapan natin dahil kapag lumabas lahat ng langis no’n ay ‘yan ang magiging malaking problema natin,” saad ni Balilo.

Nauna nang sinabi ng DENR na tinatayang nasa 591 ektarya ng coral reef, 1,626 ektarya ng bakawan, at 362 ektarya ng seagrass o seaweeds ang posibleng maapektuhan ng epekto ng oil spill.

Naapektuhan din ang ilang kabuhayan ng mga residente maging ang turismo at ilang mga residente na rin ang nagkakasakit sa probinsya na apektado ng oil spill.

Sa Oriental Mindoro lamang, halos 100,000 residente na ang apektado habang 122 residente ang may respiratory-related symptoms, pagsusuka at pagtatae ayon kay Governor Humerlito Dolor. Jocelyn Tabangcura-Domenden