Tapos na ang ‘shortage’: NFA rice nasa merkado na

Tapos na ang ‘shortage’: NFA rice nasa merkado na

June 26, 2018 @ 2:15 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Mabibili na simula ngayon sa maraming palengke ang National Food Authority (NFA) rice na matagal nawala sa merkado dahil sa umano’y “shortage.”

Ipinagmalaki pa ng NFA na mas maganda na ang kalidad ng bigas ngayon na inangkat mula sa Vietnam at Thailand.

“Nakita niyo naman, maganda na. Competitive na ang quality nito,” ani NFA administrator Jason Aquino sa kanyang pag-iikot sa ilang palengke sa Quezon City.

Dahil dito, labis ang tuwa ng maraming mamimili sa pagbabalik ng NFA rice sa palengke dahil apat na buwan din itong hindi nabili.

“Dati kasi mabaho, tapos pangit ang butil…Tapos mas mura. ‘Yung matitipid, puwede na pambili ng ulam,” paliwanag ng isang ale.

Nasa mahigit 56,000 sako ng NFA rice ang naipamahagi sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila.

Nasa 50 percent na ng mga pamilihan ang may NFA rice at inaasahan na magkakaroon din ang iba pang palengke.

Titiyakin ng ahensiya na hindi na mauulit pa ang pagkaubos ng buffer stock ng NFA rice ngayong nakita na nila ang epekto nito sa publiko.

Kaya para maiwasan ang pananamantala ng ilang mamimili, itinakda ng NFA na limang kilo kada konsumer muna ang limit ng pagbili hanggang maging stable ang supply nito.

Sa ngayon, ang tig-P27 na NFA rice pa lang ang ibinebenta sa mga palengke pero magkakaroon ng tig-P32 na klase sa mga susunod na linggo.

P12 sa kada kilo ng NFA ang matitipid ng mga konsumer kumpara sa commercial rice kaya malaking tulong anila ito.

Ikinatuwa rin ng mga retailer ang pagbabalik ng NFA rice dahil ito umano ang pinakamabiling uri ng bigas nila. (Nats Taboy)