Tapyas-presyo ilang produktong petrolyo, asahan sa sunod na linggo

Tapyas-presyo ilang produktong petrolyo, asahan sa sunod na linggo

August 6, 2022 @ 9:00 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Makaaasa ang mga motorista ng muling pagtapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Base sa oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw, sinabi ng isang source ng industriya ng langis na ang presyo kada litro ng diesel ay maaaring mabawasan ng P1.70 hanggang P2.00 gayundin sa presyo ng gasolina na nasa P1.50 hanggang P1.80 kada litro ang ibabawas.

Ang inaasahang bawas sa presyo ng produktong diesel at gasolina ay maaari pa ring magbago depende sa paggalaw sa kalakalan, ayon na din sa source ng oil industry.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.

Epektibo nitong Agosto 2, nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag presyo na P0.75 sa kada litro ng gasolina habang bawas presyo naman na P0.60 sa kada litro ng diesel at P0.75 sa kada litro ng kerosene.

Dahil dito, ang year-to-date na kabuuang adjustments ay tumaas ng P19.65 kada litro para sa gasoline at P32.35 kada litro para sa diesel. JAY Reyes