Tapyas-presyo sa produktong petrolyo, aarangkada sa Martes

Tapyas-presyo sa produktong petrolyo, aarangkada sa Martes

February 27, 2023 @ 12:10 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Magandang balita sa mga motorista dahil magpapatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng bawas presyo na P0.70 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel, at P1.80 sa kada litro naman ng kerosene epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May bawas presyo din sa mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na magiging epektibo alas-12:01 ng madaling araw.

Ang ipapatupad na bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng dagdag-bawas sa mga presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na dagdag presyo na P0.90 sa kada litro ng gasolina at P1.05 sa kada litro ng diesel habang katiting na bawas presyo naman na P0.25 sa kada litro ng kerosene epektibo. JAY Reyes