Tapyas-taripa sa EV, spare parts, deboned meat oks kay PBBM

Tapyas-taripa sa EV, spare parts, deboned meat oks kay PBBM

January 20, 2023 @ 7:39 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pansamantalang pagbabago sa tariff rates sa imported electric vehicles (EV), parts at components nito.

Layon nito na palakasin ang EV market sa bansa.

Sa katunayan, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order (EO) 12 makaraang inendorso ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board noong Nobyembre 24, 2022 ang pansamantalang pagbabawas sa Most-Favored Nation (MFN) tariff rates sa ilang EVs at sa “parts and components” nito sa loob ng limang taon.

Sa ilalim ng EO 12, “the MFN tariff rates on completely built up units of certain EVs such as passenger cars, buses, minibuses, vans, trucks, motorcycles, tricycles, scooters and bicycles would be temporarily reduced to zero for a five-year period.”

Gayunman, hindi sakop ng EO ang hybrid-type EVs.

Ang tariff rates sa ilang “parts and components” ng EVs ay ibababa rin sa 1% mula sa 5% sa loob ng limang taon.

Layon ng EO na suportahan ang transisyon para sa umuusbong na teknolohiya at hikayatin ang mga mamimili na ikonsidera ang electric vehicles bilang “cleaner and greener transportation option.”

Tinukoy ang RA 11697 o Electric Vehicle Industry Development Act, nakasaad sa EO 12 na dapat tiyakin ng estado ang “energy security and independence” ng bansa pamamagitan ng “reducing reliance on imported fuel” para sa sektor ng transportasyon.

“The state has the paramount obligation to protect the health and well-being of the people from hazards of pollution and greenhouse gases,” ayon sa EO.

“Under RA No. 11697, the State shall provide an enabling environment that permits the development of electric vehicles, including options for micro-mobility as an attractive and feasible mode of transportation,” ang nakasaad pa rin sa EO.

Ang transportation sector ay isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng air pollution at energy-related greenhouse gas emissions sa bansa na may 34%, na may road transportation na may 80% ng emissions.

Ang EO 12 ay dapat na full force at epektibo sa loob ng limang taon mula sa petsa ng pagiging epektibo nito.

Sa kabilang dako, noong Enero 13, tinintahan din ni Pangulong Marcos ang EO 13, naglalayong panatilihin ang pansamantalang modipikasyon sa import duty rates sa mechanically deboned meat (MDM) ng manok at turkey.

Pinapanatili ng EO 13 ang pansamantalang 5-% tariff rates sa MDM poultry hanggang Disyembre 31, 2024 “to ensure the continued supply of essential food products at affordable prices, diversity the country’s market sources and help businesses recover and sustain their operations.”

Ayon sa EO, ang kasalukuyang global situation dahil sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic, at iba pang kadahilanan na nakaapekto sa traditional sources ng MDM ng chicken at turkey sa bansa , “cause uncertainty in the steady supply of said commodities.”

“The high inflation prompted by supply constraints, expected shortage in the global supply, and rise in international commodity prices present economic and trade implications to the country and the Filipino people,” ayon sa EO 14.

Samantala, itinuturing na popular ang processed meat products sa karamihan na kabilang sa low-income households, lalo pa’t ang mechanically deboned meat ay pangunahing bahagi para sa paggawa ng hot dogs at canned luncheon meat. Kris Jose