Tarantula na idineklarang ‘thermos mug’ nasabat ng Customs-NAIA

Tarantula na idineklarang ‘thermos mug’ nasabat ng Customs-NAIA

June 13, 2022 @ 2:55 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA ang nasa 198 iba’t ibang uri ng Tarantula na may iba’t ibang laki, na pawang mga walang kaukulang dokumento o permit sa BOC-DHL Express Warehouse nitong Hunyo 07, 2022.

Nabatid sa BOC, ang nasabing kargamento ay idineklara bilang “Thermos Mug” kung saan ipapadala sana papuntang Italy ng isang sender na nagmula naman sa Pasay City.

Isinailalim ang package sa x-ray at 100% physical examination na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga buhay na hayop. Ang package ay sinuri ng Customs Examiner mula sa NAIA Export Division, kasama ang presensya ng mga kinatawan mula sa X-Ray Inspection Project (XIP), Enforcement and Security Service (ESS), Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), DHL Express, at Environmental Protection and Compliance Division (EPCD).

Ang mga nasamsam na Tarantula ay sasailalim sa kaukulang seizure at forfeiture proceedings dahil sa paglabag sa Sections 117 at 1113 ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Ang mga nasabat na tarantula ay agad na itinurn-over sa Wildlife Enforcement Officer mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tamang paghawak at pagsubaybay alinsunod sa Customs Administrative Order No. 10-2020. JAY Reyes