Target completion ng PNR Clark Phase 2 naurong sa 2025

Target completion ng PNR Clark Phase 2 naurong sa 2025

January 24, 2023 @ 9:23 AM 3 days ago


MANILA, Philippines – Naurong ang target completion date para sa Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 2 nang hanggang Hunyo 2025 dahil sa delay sa turnover ng construction site sa project contractor ng ahensya.

Sa pahayag ng Department of Transportation nitong Lunes, Enero 23 ang nasabing proyekto na unang nakatakdang makumpleto sa Oktubre 2024, ay naantala hanggang Hunyo 2025 dahil sa pagkaantala sa turnover ng lupa sa project contractor na POSCO Engineering & Construction

Nasa 48 gusali at pasilidad ang inaasahang itatayo ng POSCO na nilalayong maging Clark Depot ng North-South Commuter Railway (NSCR).

“Before the 36-hectare site was turned over by the government to POSCO, several fruit-bearing trees were cut down, causing the delay,” sinabi ng POSCO.

Sa kanyang pagbisita sa project site, sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na ang Clark Depot ay kung saan matatagpuan ang operations control center na magsisilbing “heart of operations” ng serbisyo ng tren.

Ayon sa DOTR, magtatayo ang POSCO ng 48 na gusali at pasilidad sa naturang depot site.

Magkakaroon din ng 33 stabling tracks ang Clark Depot na magsisilbing parking area ng mga tren at 12 iba pang tracks para sa maintenance facilities.

Ang 53-kilometrong PNR Clark Phase 2 ay ang pangalawang leg ng NSCR at mag-uugnay sa maraming lungsod at munisipalidad sa Central Luzon sa Metro Manila.

Pinondohan ng Asian Development Bank, ang proyekto ay nakikitang mababawasan ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Lungsod ng Malolos sa lalawigan ng Bulacan at Clark, Pampanga mula 1.5 oras hanggang 30 minuto.

Kasama rin sa bahaging ito ng NSCR ang Airport Railway Express Service na magkokonekta sa Makati sa Clark International Airport sa pamamagitan ng 55 minutong biyahe sa tren. Jocelyn Tabangcura-Domenden