Target: Mga lokal na opisyal

Target: Mga lokal na opisyal

March 7, 2023 @ 12:27 AM 2 weeks ago


MISTULANG mga langaw na isa-isang bumabagsak ang mga lokal na opisyal dahil sa mga brutal na pag-atake na naging mas madalas na kumpara sa mga nakalipas na linggo.

Sa gitna nang pinaigting na apela ni Speaker Martin Romualdez, inatasan ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police ang mga hepe nito na tutukan ang mga pagbabanta laban sa mga lokal na opisyal at kongresista at dagdagan ang security detail ng mga ito kung kinakailangan.

Pero nitong Sabado, anim na katao ang napatay at mahigit isang dosenang iba pa ang nasugatan sa pagsalakay na sinigurong tatapos sa buhay ni Governor Roel Degamo, isang importanteng kaalyado sa politika ni President Ferdinand Marcos Jr. na nagpursigeng maipanalo siya sa Negros Oriental.

Nagpaulan ng bala ang mga suspek, na dumating lulan ng tatlong sasakyan, at nasapul ang gobernador, ang kanyang mga guwardiya, drivers, ilang medical personnel, at tatlong provincial department heads sa loob lang ng 30 segundo. Kung hindi commando-style ang estilong iyon ng pagpatay, hindi ko alam kung ano pa ang maitatawag doon.

Si Degamo, na ilang buwan nang ipinapaalam sa mga awtoridad na nakakatanggap siya ng mga seryosong pagbabanta sa kanyang buhay, ay sumasakay na sa isang bullet-proof vehicle at maya’t mayang binabago ang kanyang ruta upang maiwasan ang posibleng pamamaslang sa kanya. Pero sa ginawang pag-atake ng mga suspek, imposibleng makaiwas at makaligtas siya.

Para sa akin, iyon ay malinaw na mensaheng isinulat sa dugo.

Pagkatapos nang matitinding pananambang na ikinasugat ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong Jr. (Pebrero 17), ikinasawi ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda (Pebrero 19); at ikinasugat ni Datu Montawal Mayor Ohto Montawal (Pebrero 22) – maaaring malusutan ang seguridad ng pinakamalalapit na kaalyado ng Pangulo.

“You can run, but you cannot hide… We will find you” ang quote mula sa Pangulo na bumulaga sa mga diyaryo, pero dapat na magsilbi iyon bilang pangakong hindi dapat mapako. Ang isang hungkag na pangako ay magiging senyales lang para sa lahat ng mga sagad-hanggang-buto at mapapanganib na kriminal ng ating lipunan na gumawa ng masama bilang paghamon sa ating mga awtoridad.