Target na 1M bisita sa MNC ngayong taon, ‘di maaabot – MPD

Target na 1M bisita sa MNC ngayong taon, ‘di maaabot – MPD

November 1, 2022 @ 2:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi maaabot ang inaasahang bilang ng mga daragsa sa Manila North Cemetery (MNC) na isang milyon ngayong Undas, ayon sa isang opisyal ng Manila Police District (MPD).

Sa panayam kay MPD – Station 3 Commander Col. Ramon Solas, aabot lamang sa 200,000 hanggang 250,000 ang kanilang crowd estimate hanggang mamayang hapon.

Ayon kay Solas, ang mababang crowd ngayong Undas ay maaaring dahil pa rin sa pandemya, long weekend vacation at o limitadong oras.

Dati kasi aniya ay pinapayagan na abutin hanggang gabi o mag-overnight ang mga pumapasok sa sementeryo pero ngayon, alas-4:50 ng hapon pa lamang ay hindi na maaring pumasok ang mga hindi aabot sa cut-off.

Sa tala ng MPD, umaabot pa lamang sa 163, 729 ang pumasok sa MNC.

Sa bilang na ito, 68,531 na ang lumabas habang ang nananatili pa sa loob ng sementeryo ay nasa 95,198 indibidwal. Jocelyn Tabangcura-Domenden