Target na liblib na lugar sa Bayanihan, Bakunahan 4, pahirapan puntahan – DOH

Target na liblib na lugar sa Bayanihan, Bakunahan 4, pahirapan puntahan – DOH

March 11, 2022 @ 8:24 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Umarangkada na nitong Huwebes, Marso 10 ang Bayanihan, Bakunahan 4 kung saan target nitong makapagbakuna ng 1.8 milyong Pinoy habang pinalakas din dito ang pag-target sa mga liblib na lugar na hindi maabot ng COVID-19 vaccine program ng gobyerno.

Sa kabilang banda, inamin ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na nahihirapan silang hanapin ang mga hindi pa nabakunahan sa mga liblib na lugar.

Sa isang online press conference, tinanong si Cabotaje kung bakit mababa ang target ng gobyerno sa ikaapat na national vaccination drive kumpara sa mga nauna.

“Bakit mas mababa? Kasi alam naman natin we already reached 64 million mahirap na hanapin ‘yung talagang pagbabakuna as Secretary (Carlito) Galvez was saying we have reached the inflection point mahirap talaga maghanap,” tugon naman ng opisyal.

“Ngayon ayaw na nilang pumunta sa malalaking areas at hahanapin natin ‘yun, they don’t see the urgency or kaya wala silang access sa mga areas and then if we can convince them kaya ang importanteng impormasyon muna,” paliwanag pa ni Cabotaje.

Sinabi ng Health undersecretary na ginamit din nila ang mga opisyal ng barangay upang suriin ang kanilang mga nasasakupan na hindi pa nakakakuha ng kanilang mga COVID-19 jabs pagkatapos ay pupunta sa kanila ang mga bakuna.

Sinabi niya na ang mga klinika ay maaari ding gamitin bilang mga lugar ng pagbabakuna upang magbigay ng mga booster shot para sa 18 taong gulang pataas.

Sinabi ng DOH na ang priyoridad para sa ikaapat na national vaccination drive ay ang mga senior citizen na hindi pa nakakakumpleto ng kanilang primary dose series at ang mga nakatakda para sa booster shots.

Sa ikatlong “Bayanihan, Bakunahan,” hindi nakamit ng gobyerno ang target nitong mabakunahan ang limang milyong Pilipino sa kabila ng pagpapalawig ng mga araw nito.

Samantala, sinabi ni Cabotaje na kanilang palalakasin ang COVID-19 vaccination drive upang maabot ang target na 77 milyong nasa hustong gulang na Pinoy na ganap na mabakunahan laban sa COVID-19 bago ang halalan sa Mayo 9.

“This are the milestones that we have set, maybe we will recalibrate, titignan natin sa Bayanihan, Bakunahan kung ano ‘yung ma-accomplish and then we will see, we will be able to recalibrate or ramp up ano pa ba pwedeng gawin. But we are recognizing the fact na pinakamahirap ngayon hanapin ‘yung remaining unvaccinated,” aniya pa.

Batay sa pinakabagong datos mula sa National COVID-19 Vaccination Dashboard, kabuuang 137,351,822 na COVID-19 doses na ang naiturok sa bansa.

Inaasahan ng gobyerno na ganap na mabakunahan ang 77 milyong Pilipino laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng Marso, at 90 milyon sa oras na bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 30. RNT