TASK FORCE KONTRA BIGAY

TASK FORCE KONTRA BIGAY

March 31, 2022 @ 10:55 AM 3 months ago


NAGTATAG na ang Commission on Elections ng Task Force Kontra Bigay para masawata ang pamimili ng mga kandidato ng boto sa pamamagitan ng pagbibigay ng anomang bagay sa mga botante.

Binubuo ang task force ng Comelec, Department of Justice, Philippine Information Agency, Pre-sidential Anti-Corruption Commission, Department of the Interior and Local Government, National                     Bureau of Investigation, Philippine National Police  at Armed Forces of the Philippines.

Kabilang sa mga mahahalagang gagawin ng task force ang motu propio o kusang pagkilos nito na mag-imbestiga, manghuli at magsampa ng kaso sa oras na makaamoy sila ng mga bumibili ng boto.

Hindi na sila kailangang pukpukin ng martilyo upang kumilos.

Tatanggap din sila ng mga reklamo kahit kanino at gayundin na sila’y mag-imbestiga, manghuli at magsampa ng kaso.

Magandang may naitatag na ganitong kamay   ng Comelec laban sa vote buying para matiyak ang malinis na halalan at mailuklok sa pwesto ang gusto talaga ng mga mamamayan.

ILANG  SITWASYON

Sa pagpunta-punta natin sa mga kampanya, may naghahagis ng mga kendi at iba pa habang lumala-kad ang convoy.

May mga namimigay rin ng tubig at pagkain.

May mga tatak ng mga kandidato o kaya’y wala.

May tatak ng mga kandidato o wala ang mga ipinamimigay ng mga supporter, tauhan at mismong mga kandidato, kasabay naman nito ang pamimigay o paghahagis ng mga sample ballot at iba pa na pagkakilanlan sa mga nangangampanya.

Ang tanong: Saklaw ba ang mga ito ng Task Force Kontra Bigay?

FASK MASK, SOMBRERO AT IBA PA

Kabilang sa mga katangi-tangi na suot ng mga mamamayan sa mga panahong ito ang mga face mask, sombrero, wrist band at t-shirt.

Sa mga kulay pa lang, alam na ng lahat kung kanino galing ang mga ito.

Pero hindi nakukuntento ang ilang politiko  dahil itinatak pa ang ngalan nila sa mga face mask, sombrero, t-shirt at wrist band.

Ano ang gagawin ng task force kung sasabihin ng mga politiko na gawa ng kanilang mga suporter ang mga bagay na ito?

MALALAKING SARI-SARING BIGAYAN

May mga kandidatong sobra-sobra ang salapi sa pangangampanya.

Kaya naman, nakasasaksi na mismo ang ating Uzi ng mga politikong ginagawa lahat ang mga botante na watcher, mula ama at ina hanggang sa mga anak.

At bilang mga watcher, lantarang binibigyan ang mga ito ng panggastos na P1,000 hanggang P2,000.
Maaaring kalahati ang bigay bago o sa araw ng halalan at ang kalahati  matapos ang halalan.

Goodbye na lang sa ikalawang bigayan kung natalo ang kandidato.

Ang iba, nagdadala ng mga resibo ng ospital, punerarya, kuryente at tubig at walang magawa ang mga kandidato kundi magbigay.

May mga lugar namang may naniningil ng mga bayad sa permit to campaign at kung hindi, eh, alam na ninyo ang mangyayari.

Kapag nakapangampanya sa lugar na iyon ang kandidato, malamang na nagbigay.

Ano-ano ang gagawin ng task force sa mga ito?

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 0921-4303333.