Task Force Lapid binuo ng NCRPO

Task Force Lapid binuo ng NCRPO

October 4, 2022 @ 10:07 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bumuo na ng isang Special Investigation Task Force Percy Lapid ang National Capital Region Police Office o NCRPO at nangako ang PNP na bibigyan ng hustisya ang pagpatay sa isang miyembro ng industriya ng Media.

Ayon sa NCRPO, patuloy ang kanilang isinagawang imbestigasyon para matukoy ang mga salarin at motibo sa kasong pagpaslang sa isang kilala at beteranong broadcaster na si Percy Lapid kaya isang Special Investigation Task Force ang binuo ng Las Piñas City Station at ng NCRPO upang pangunahan at pag-ugnayin ang investigative at prosecutorial efforts ng PNP.

Matatandaan na dakong alas-8:30 Lunes ng gabi nang banggain ng isang puting sasakyan ang sasakyang minamaneho ni Percy Lapid saka ito pinagbabaril ng dalawang beses ng nakamotorsiklo malapit sa gate ng Sta. Cecilia sa Las Piñas City.

Napag-alamang magkasabay na tumakas ang nambanggang Fortuner at gunman na lulan ng kanyang motorsiklo sa hindi matukoy na direksyon. Dave Baluyot