Task Force na tututok sa COVID meds binuo ng FDA

Task Force na tututok sa COVID meds binuo ng FDA

February 24, 2023 @ 8:49 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bumuo ng task force ang Food ang Drug Administration (FDA) para mapabilis ang pag-apruba at pagsusuri ng mga gamot para sa COVID-19.

Inilunsad ang Task Force Fleming upang “mabilis na subaybayan ang pagkakaloob ng ligtas at epektibong mga gamot sa COVID-19 sa merkado,” ayon kay FDA Director-General Samuel Zacate sa isang pahayag.

Sinabi ni Zacate na dati ay iniisyu ang emergency use authorizations (EUAs) para sa gamot at bakuna para sa COVID-19 na napapailalim sa ilang kondisyon.

Ngayon, sa pamamagitan ng Taskforce Fleming, ang mga gamot sa COVID-19 na aprubado at inisyuhan ng Certificates of Product Registration ay madali nang ma-access sa pangkalahatang publiko sa mga FDA-licensed drug establishments.

Ang EUA ay inilalabas ng FDA para sa hindi rehistradong gamot at bakuna sa public health emergency habang ang CPR ay iniisyu naman sa mga manufacturer upang payagan ang merkado at pagbebenta ng kanilang mga produkto.

Ayon sa Department of Health (DOH), sa ngayon ay mayroon pa lamang dalawang gamot sa COVID-19 na may aprubadong CPR, ang renapreve at remdesivir.

Samantala, apat na iba pang COVID-19 EUA holders ang nakapagsumite ng kanilang aplikasyon para sa registration, ayon sa FDA.

Hinimok naman ni Zacate ang mga manufacturer na mag-apply para sa CPR para sa kanilang COVID-19 drugs. Jocelyn Tabangcura-Domenden