Task group binuo para tumutok sa pagpatay sa model sa Davao

Task group binuo para tumutok sa pagpatay sa model sa Davao

January 1, 2023 @ 10:36 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bumuo na ng special investigation task group ang Police Regional Office sa Davao upang tutukan ang insidente ng pagpatay sa isang model at businesswoman na si Yvonne Plaza sa Tugbok, Davao City.

Sa impormasyon, Miyerkules ng gabi, Disyembre 28 nang barilin-patay si Plaza sa harap ng inuupahang bahay sa Green Meadows subdivision ng nabanggit na lungsod.

Ang naturang task group na tinawag na “SITC Yvonnette” ay may 16 na police personnel na tutukoy sa motibo ng pagpatay sa biktima at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Nitong Biyernes, Disyembre 30, sinabi ni Davao City police office Director Police Col. Alberto Lupaz na may mga persons of interest na sila sa naturang insidente.

Gagamitin din nila ang CCTV footage na nakuhanan mismo ang pamamaril bagama’t nakasuot ang mga gumawa nito ng helmet.

Inatasan na rin ni Lupaz ang Tugbok police na dapat ay makasuhan na ang mga suspek sa loob lamang ng dalawang linggo.

“With the creation of the said ‘SITG Yvonette,’ Police Regional Office 11 assures a fair, impartial and unbiased conduct of investigation and will give updates once available,” aniya. RNT/JGC