Tatay hati-mukha sa taga ng anak

Tatay hati-mukha sa taga ng anak

April 26, 2022 @ 9:23 AM 2 months ago


CALINOG, Iloilo City- DUGUAN bumulagta sa sahig ang isang ama matapos tagain sa ulo ng kanyang sariling anak na binatilyo nitong Sabado sa nasabing probinsya.

Kinilala ang nasawi na si Leo Libuna, 56-anyos, habang nadakip naman ang suspek at 16-anyos nitong anak na itinago sa pangalan Bordok.

Ayon kay Major Dadje Delima, hepe ng Calinog police station, dakong 11:00 PM ng Abril 23, 2022 naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-amang Libuna.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa kanilang bahay na nangangamoy alak na ikinagalit ng biktima kaya nasermunan nito ang anak.

Dahil sa kalasingan ng batang Libuna sinagot niya ng pabalang ang ama kaya lalo itong nag-init sa kanya at nasipa siya nito.

Gumanti ang suspek at kumuha ng itak saka pinagtataga sa ulo ang kanyang sariling ama na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan at nasaksihan pa mismo ng kanyang 9-anyos na kapatid na batang babae.

Matapos ang krimen umalis sa kanilang bahay ang suspek habang rumesponde naman ang mga awtoridad at naabutan ang bangkay ng biktima na naliligo sa sariling dugo.

Kinabukasan, bandang 7:45 AM nahuli ng mga pulis ang suspek na naglalakad sa kanilang lugar at kusa naman itong sumama sa himpilan ng pulisya.

Nabatid, na natutulog ang 2 kapatid ng suspek ng mangyari ang insidente habang ang kanilang ina ay nagtatrabaho sa ibang bayan sa Iloilo City.

Sa himpilan ng pulisya sinabi ng suspek na madalas siyang binubulyawan ng kanyang ama at pinagbubuhatan ng kamay.

Naniniwala naman ang ina na maaaring may matinding galit na kinikimkim ang kanilang anak sa mister nito kaya nagawa ang krimen.

Hinihintay na lamang ng pulisya ang desisyon ng pamilya Libuna kung magsasampa ng kaso laban sa suspek./Mary Anne Sapico