Tatay ng Ateneo gunman pinagbabaril-patay sa harap ng bahay

Tatay ng Ateneo gunman pinagbabaril-patay sa harap ng bahay

July 29, 2022 @ 7:48 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay sa pamamaril sa Basilan ang ama ni Dr. Chao-Tiao Yumol, ang suspek sa pamamaril sa Ateneo de Manila University.

Ang ama ni Yumol ay binaril ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo sa Barangay Rizal sa Lamitan City, Basilan, ayon sa kumpirmasyon ng Lamitan City Police.

Apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima na agad na bumulagta sa harap lang ng kanilang bahay na pinangyarihan ng krimen.

Matatandaang ang batang Yumol ang tinuturong gunman sa Ateneo shooting incident kung saan tatlo katao, kabilang ang isang dating alkalde ng Lamitan City, ang nasawi sa insidente ng pamamaril noong Hulyo 24 na sumisira sa isang graduation ceremony ng unibersidad sa Quezon City.

Kinilala ang mga napatay ay sina dating Lamitan mayor Rose Furigay, executive aide nitong si Victor Capistrano, at Ateneo security guard Jeneven Bandiala.

Sugatan din sa insidente ang anak ni Furigay na si Hannah.

Si Yumol ay naaresto sa parehong araw ng pamamaril. Tinukoy ng pulisya na personal na galit ang motibo sa likod ng pagpatay. RNT