Tatlong araw na Election Summit, umarangkada na

Tatlong araw na Election Summit, umarangkada na

March 8, 2023 @ 7:17 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang tatlong araw na Election Summit ng iba’t ibang election watchdogs, civil society groups at mga opisyal ng gobyerno.

Layon ng summit na konsultahin ang lahat ng election stakeholders para makalap ang lahat ng suhestiyon at maplantsa pa ang lahat ng polisya at proseso sa pagdaraos ng mga halalan sa bansa.

Sa nasabing aktibidad, dumalo sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Senate President Juan Miguel Zubiri, Senator Imee Marcos na siyang chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, at Mt. Province Rep. Maximo Dalog Jr., chairperson naman ng House Committee on Electoral Suffrage and Electoral Reforms.

Sa huling araw ng summit sa Biyernes, Marso 10 ay inaasahang dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ginanap ito sa Sofitel Hotel sa Pasay City.

Itinuturing ng Comelec na makasaysayan ang pagdaraos ng election summit na ito kung saan ayon kay Garcia, patunay ito na handa ang komisyon na makinig at umaksyon sa mga isyung may kaugnayan sa halalan.

“Not only because this is the first, because it shows to everyone the intention of Comelec to listen and to consult everybody….napaka-importante if the Comelec will always listen and learn from the experiences from the studies, research of everyone..,” ayon kay Garcia.

Tatalakayin din dito ang mga isyu sa seguridad ng mga halalan partikular ang antas ng kapangyarihan na ibibigay sa Comelec para maiwasan ang mga karahasan sa mga kandidato, election officers at mga miyembro board of election inspectors.

Tinatayang aabot sa P10-milyon ang gugugulin ng Comelec sa tatlong araw na summit sa naturang five-star hotel.

Sinabi ni Garcia na mula sa kanilang savings ang gagastusin at hindi sa regular na budget ng komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden