Tatlong bebot patay sa pamamaril sa Taguig City

Tatlong bebot patay sa pamamaril sa Taguig City

July 9, 2018 @ 4:32 PM 5 years ago


Taguig City – Patay ang tatlong kababaihan at sugatan ang isang lalaki sa magkahiwalay na pamamaril sa Taguig City kamakalawa ng gabi at kahapon ng umaga.

Sa unang insidente,  dahil  walang ID ay inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasawing biktima,  na ang isa ay nakasuot ng itim na t-shirt at yellow na leggings,  habang ang isa naman ay naka-floral na t-shirt at pantalon na may stripe na red at puti. Nagtamo ang mga ito ng tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Ayon kay PO1 Quaina Cabbuag, ng Taguig City Police, naganap ang insidente alas-7:20 kamakalawa ng gabi sa Marinduque St., Brgy. New Lower Bicutan ng naturang siyudad.

Habang nakatayo ang mga biktima sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang isang motorsiklo na walang plaka at magkaangkas ang mga suspect.

Walang salitang pinagbabaril ang mga biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan ng mga ito at ang mga suspect ay mabilis tumakas.

Ayon kay Barangay Ex-O Alfredo Enano, ito na ang ikatlong insidente ng pamamaril sa kanilang lugar, na hindi kilala ang mga biktima.

Hindi naman isinasantabi ng barangay ang posibilidad na may kaugnayan sa droga ang insidente.

Batay sa pagsisiyasat ng Souther Police District, Scene of the Crime Office (SPD,SOCO),  walang nakitang anumang kontrabando mula sa katawan ng dalawang hindi pa nakikilalang biktima maliban lang sa isang bag na may lamang mga personal na gamit.

Dalawang hindi pa nakikilalang babaeng patay sa pamamaril sa Marinduque Street, Sa Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City. KUHA NI VAL LEONARDO

REMATE FILE PHOTO | VAL LEONARDO

Alas-9:00 naman kahapon ng umaga, pinagbabaril din ng hindi kilalang  riding in tandem ang isang babae at nahagip naman ng tama ng bala ang isang lalaki sa harapan ng Mini-Stop, boundaries ng Brgy  South Signal, Upper Bicutan at Western Bicutan.

Kaagad na nasawi ang babaeng biktima na nakilalang si Lorna Campos at nakatira sa 19 Int. 12 Dominador St., TS Cruz Subdivision, Baesa, Quezon City matapos itong magtamo ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Samantala, ang sugatang lalaking nahagip ng tama ng bala ay nakilalang si Michael Dongon at nakatira sa 09 Patricio St., Zone 5, Lower Bicutan,Taguig City na   kaagad na isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital. Base sa pahayag ni Dongon sa pulisya, sakay siya ng kanyang motorsiklong Yamaha Mio125cs ng makarining siya ng putok na baril at Makita si Campos na duguang bumagsak.

Dagdag pa ni Dongon nakaramdam din siya ng pamamanhid sa kanag bahagi ng bewang kung kayat siya ay kaagad humingi ng saklolo para siya agaran madala sa ospital.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa  motibo ng pamamaslang at posibleng nasa likod nito. (James I. Catapusan)