Tatlong dayuhang pugante, naaresto ng BI

Tatlong dayuhang pugante, naaresto ng BI

July 22, 2018 @ 1:13 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nakatakdang ipatapon pabalik sa kani-kanilang bansa ang tatlong dayuhang pugante na wanted dahil sa  kasong pandarambong

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente, ang mga naaresto ay dalawang Korean national at isang Chinese.

Ang tatlo ay naaaresto sa Mindoro at Cebu ng mga tauhan ng bureau’s fugitive search unit (FSU) sa pangunguna ni BI  Intelligence Officer Bobby Raquepo.

Ipinag-utos ni Morente ang pag-aresto sa tatlo makaraang malaman mula sa kanilang embahada  sa Maynila na sila ay wanted fugitives at ang kanilang pasaporte ay kanselado na dahilan para sila ay maging undocumented aliens.

“We will expel and send them back to their countries so they could be tried and penalized for their crimes. The Philippines is not a hideout or a sanctuary for wanted criminals,”  ani Morente.

Unang naaresto sa Calapan Oriental Mindoro si Xu Chongchao, chinese national, 30, wanted  sa large scale economic crimes.

Sumunod na naaresto  ng BI-FSU  ang 39 anyos na si Jeon Junbeom, South Korean at nakatira sa Villas Magallanes, Lapu Lapu City, Cebu na may warrant of arrest na inisyu ng  Joongang district court sa Seoul.

Naakusahan ito ng pandaraya ng kanyang mga biktina ng mahigit 563 million Korean won o katumbas ng US$5 million sa pamamagitan ng iligal na aktibidad nito na swindling.

Napag-alaman din na nasa  Interpol’s red notice list na ang kanyang pangalan.

Naaresto naman sa kanyang tinutuluyang kuwarto sa Prince Court Suites Hotel sa Mandaue City, Cebu si Joung Ho Jin, 31, South Korean.

Siya ay may standing warrant of arrest na inisyu naman ng Seoul district court  kung saan  aakusahan din ito ng pandaraya.

Katulad ni Jeon, si Joung ay nakalagay din sa Interpol’s red notice . Nakakulong na ang tatlo sa BI’s warden facility sa Taguig habang hinihintay ang kanilang deportation.(JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)