Tatlong indibidwal, hinatulang ‘guilty’ sa human trafficking sa Pangasinan

Tatlong indibidwal, hinatulang ‘guilty’ sa human trafficking sa Pangasinan

September 14, 2022 @ 7:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Napatunayang ‘guilty’ sa kasong Human Trafficking sa Regional Trial Court (RTC) San Carlos City Pangasinan ang tatlong indibidwal, ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa 48 pahinang desisyon ng RTC Branch 57 , San Carlos City, Pangasinan, ang mga akusadong sina Li Chin Rong, Violeta Aquino Lee at Lai Wei Qi (at large) at napatunayang guilty sa nasabing paglabag.

Ang tatlong akusado ay hinatulan ng pagkakulong ng dalawampung (20) taon at pagmultahin ng P1,000,000.00.

Inutusan din sila ng Korte na bayaran ang complainant (biktima) ng kabuuang halagang P400,000.00 para sa danyos.

Ang kaso ay nag-ugat sa fax message mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa National Bureau of Investigation – International Airport Division (NBI-IAID) kaugnay sa repatriation ng mga biktima mula China .

Naghain Naman ng reklamo ang mga biktima sa NBI-IAID laban sa tatlong akusado na umano’y sangkot sa “Mail Order Bride” scheme.

Nakumpirma naman ng NBI-IAID na ang mga akusado ay sangkot nga sa nasabing modus operandi.

Batay sa imbestigasyon, noong 2017 sa Urbiztundo, Pangasinan, ni-recruit nina Li Chun Rong at Violeta Aquino ang biktima upang magtrabaho sa China sa kondisyong ikakasal ito kay Lai Wei Qi, isang Chinese national, na ipinakilala sa kanya ng akusado na si Li Chun Rong at Violeta Aquino Lee.

Matapos ang kasal at para sa hindi tiyak na pagsasaalang-alang, ipinadala ng akusado ang biktima sa China, kung saan sa halip na makakuha ng trabaho, ay pinigil, ang kanyang pasaporte at visa , kinuha at pinagsamantalahan/inabuso ng akusado na si Law Wei Qi at kanyang brother-in-law.

Dahil dito, nagsampa ng reklamo ang NBI-IAID laban sa tatlong (3) akusado sa Office of the City Prosecutor, San Carlos City, Pangasinan.

Alinsunod dito, nakita ng Prosecutor’s Office ang mga merito sa kaso, na humantong sa pagsasampa ng impormasyon laban sa mga akusado at sa kalaunan ay itinalaga ang kaso sa RTC 57.

Batay sa mga ebidensyang isinumite sa korte at sa testimonya ng biktima at iba pang testigo, kumbinsido ang korte na guilty ang mga akusado sa paglabag sa nasabing batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden