Tauhan ng BI sapat sa kabuuang holiday season

Tauhan ng BI sapat sa kabuuang holiday season

December 27, 2022 @ 8:18 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sapat ang mga tauhan ng Bureau of Immigration sa mga paliparan sa bansa kasabay ng dagsa ng mga biyahero dahil pa rin sa holiday season.

Ito ang sinabi ni Immigration spokesperson Dana Krizia Sandoval kasabay ng public briefing nitong Lunes, Disyembre 26.

“May mga dineploy tayo na mga karagdagang personnel na kinuha mula sa ibang mga opisina ng BI to augment ‘yung manpower sa ating airports. Bukod pa dyan, we also have this new batch of immigration officers na nakatutulong po sa pagproseso ng mga bumibiyahe ngayong season,” ani Sandoval.

“Meron din tayong tinalaga na rapid response team na agad po nating pwedeng i-deploy kung sakaling kailangan natin ng additional na tao, and of course, ‘yung e-gates natin fully functional po ‘yan para nagagamit ng mga bumibiyahe,” pagpapatuloy niya.

Bagama’t bahagi ng mataas na bilang ng mga biyahero ang mahabang pila, siniguro naman ng BI na pasok sa international standards ang pagproseso sa immigration counters.

“What we can assure the public is mabilis po at kahit sabay-sabay ang flights at limited ang espasyo ng ating mga paliparan, mabilis po ang ating processing time. Sumusunod tayo sa international processing time na 45 seconds per person, at ISO certified po tayo proving na within standards ang ating processing,” pagbabahagi ni Sandoval.

Dagdag niya, makatutulong din upang mapadali ang proseso ng pagkuha ng immigration clearances ng 8 segundo kada tao ang immigration e-gates.

Nitong nakaraang weekend o Christmas weekend, umabot sa 30,000 ang daily international passengers dahil sa mga Filipino na nagbalik-bayan upang ipagdiwang ang Pasko kasama ng kanilang mga pamilya.

“Noong bisperas ng Kapaskuhan, pumalo sa around 32,000 ang total arrivals natin–karamihan doon ay nag-land sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport). Ang dumating naman noong December 25, ay 29,968 katao. For departures naman, 22,248 noong Christmas eve, at 27,934 for Christmas day. At ito ay significantly higher than the last two years,” ani Sandoval.

Inaasahan ng BI na magpapatuloy ang dagsa na ito ng mga pasahero hanggang sa pagtatapos ng Bagong Taon.

“Ang prediction natin all the way until New Year medyo mataas ang ating arrivals, dahil nag-uuwian ang mga kababayan natin sa kanilang mga pamilya para dito sila mag-celebrate ng Kapaskuhan at Bagong Taon. Usually, pagpalo ng Bagong Taon, ‘yung departures naman ang tumataas dahil karaniwan po ng mga kababayan natin na mga nakadeploy, at ‘yung mga OFWs natin bumabalik na po sa mga bansang pinanggalingan nila.” RNT/JGC