Taunang bakunahan vs COVID sinisilip ng mga eksperto

Taunang bakunahan vs COVID sinisilip ng mga eksperto

March 25, 2022 @ 8:23 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng pangulo ng Philippine Medical Association na susuriin ng mga eksperto sa medisina ang posibilidad na pagsasagawa ng taunang pagbabakuna laban sa COVID-19.

Sa isang briefing sa Laging Handa, sinabi ni Dr. Benito Atienza na ang COVID-19 ay katulad ng isang influenza o flu, na kinakailangan ng mga indibidwal na mabakunahan bawat taon upang manatiling protektado.

“Di ba ‘yung flu po, nag-umpisa tayo years back, mga 10 years nagkaroon ng flu [vaccine], kasi ang effectivity ng flu [vaccine] ay per year yun kasi nag-e-expire every December,” ani Atienza. “Kaya ngayon ang darating na flu [vaccines] natin ay bago na, every year.”

Sa kabila nito, sinabi ni Atienza na ang posibilidad para sa taunang pagbabakuna ay nakadepende sa magiging kalagayan ng COVID-19 sa hinaharap.

Idinagdag niya na ito ay nakasalalay din sa mga siyentipiko na gumagawa ng mga bakuna, at ang development ng virus.

“Ang question natin, ito bang COVID-19 mawawala na after mabakunahan lahat o magkakaroon ng mga variant kasi unang-una po, nag-i-improve ‘yan,” ani Atienza.

Sakaling matuloy ang taunang  pagbabakuna sa COVID-19, sinabi ni Atienza na ang pangkalahatang publiko ay kailangang tumanggap muli ng COVID-19 shot.

Sa kabila nito, pinaalalahanan ng medical expert ang publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na sumunod sa standard health protocols kapag dadalo sa mga campaign rally.

Hiniling din niya sa mga immunocompromised o mga may comorbidities na iwasang pumunta sa mga campaign rally hangga’t maaari upang maprotektahan sila mula sa pagkahawa ng COVID-19. RNT