Taunang P1B agri district fund iginiit ng solon

Taunang P1B agri district fund iginiit ng solon

August 4, 2022 @ 8:57 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Upang matiyak na magkakaroon ang Pilipinas ng food security at mabawasan na rin ang halaga ng agricultural products ay isinulong ng isang mambabatas na madagdagan ang alokasyon para sa pagpapagawa ng mga kalsada o farm-to-market roads.

Sa kaniyang priviliege speech, ipinanawagan ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ang alokasyong P1 bilyon sa bawat agricultural districts taun-taon para sa konstruksyon ng mga farm-to-market roads (FMR).

Sa ngayon ayon sa kongresista ay tumatanggap lamang o may nakalaang P20 milyon ang mga agrcultural districts na nakalaan para sa FMR na aniya’y pang- dalawang kilometrong kalsada lamang.

“Ano gagawin mo sa dalawang kilometrong daan, na tapos ng dalawang kilometrong semento gatuhod naman ang putik? Our products become very expensive to transport. Kinukuha man ng trader sa [local] farmers, nagiging masyadong mura dahil sa mahal ng transport cost,” giit ni Teves.

Upang mapaglaanan aniya ang halagang ito ay ipinanukala ni Teves na gamitin ang mga unused appropriations o mga nagdaang pondo na hindi naman nagamit.

“Natulungan ‘yong farmers, natulungan din ‘yong consumers, because we will have cheaper agricultural products.”

Samantala, itinutulak din ni Teves ang kumbersyon ng mga cogonal lands o mga lupaing hindi nagagamit lalo na iyong mga pag-aari ng gobyerno upang gawin ito taniman o agricultural rice fields.

Ito ay dahil mas mura aniya ang upland rice kumpara sa paddy rice kung ang production costs ang pag-uusapan dahil ito aniya ay malaki ang magagawa upang magkaroon ng sapat na suplay ng bigas ang Pilipinas. Meliza  Maluntag