Taunang pagbabakuna vs COVID-19 pinag-aaralan ng PH gov’t – DOH

Taunang pagbabakuna vs COVID-19 pinag-aaralan ng PH gov’t – DOH

March 26, 2022 @ 4:12 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Pinag-aaralan na ng pamahalaan ng Pilipinas ang posibilidad ng pagsasagawa ng taunang coronavirus disease (COVID-19) vaccination program, ayon sa Department of Health nitong Sabado.

“Tinatantiya ng ating mga eksperto na magiging trangkaso na lang [ang COVID], sa trangkaso mayroon tayong tinatawag na yearly flu shots. ‘Pag nagkataon ‘yan, baka kailangan taunang bakuna, titingnan din kung lahat ba ng population o ‘yung high risk at vulnerable lamang,” pahayag ni health undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing.

Sinabi ni Cabotaje na nakapailalim ang pagpapabilis at pagpapalawak ng vaccination program sa 10-point agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong pabilisin ang economic recovery ng bansa mula sa COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng whole-of-government approach.

“Kailangan nating palawakin ang ating mga bakuna center, papuntahin sa mas malapit na bakuna center ang ating mga mamamayan, mas mapabilis at mapadali natin ang procedures para magpabakuna sila, at alisin natin ‘yung mga hindi kailangan na restrictions,” ani Cabotaje.

Iniulat din ni Cabotaje na hanggang nitong Huwebes, 65.5 milyong Pilipino na ang bakunado laban sa COVID-19, habang 11.7 milyong booster doses na na naiturok. RNT/SA