Tawas hindi shabu ang nakuha sa pinatay na brodkaster sa Albay- PNP

Tawas hindi shabu ang nakuha sa pinatay na brodkaster sa Albay- PNP

July 23, 2018 @ 11:27 AM 4 years ago


 

Legazpi City – Binigyang linaw ng mga pulis na tawas at hindi shabu ang nakuha sa sling bag ng pinaslang na radio broadcaster na si Joey Llana, ayon kay Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, spokesperson ng Bicol Police Regional Office.

Pinatunayan din ito ng Philippine National Police Crime Laboratory test kung saan ang isang substance na pinaghinalaang shabu ay tawas lang pala, pulbos na puting ginagamit para mapigilan ang pangangamoy ng katawan at pampaputi ng balat.

Walong sealed plastic sachets ang nakita ng Scene of the Crime Operatives habang nagsasagawa ng inspeksiyon sa kotse ni Llana matapos ang pamamaslang ng hindi pa nakikilalang suspek noong Biyernes sa bayan ng Daraga sa Albay.

Matatandaan na noong Biyernes din sinabi sa ulat ng mga pulis na nakumpirmang hindi shabu ang nakitang substance, ngunit hindi pa nila masabi kung ano nga ba ito.

Sinabi rin sa autopsy ni Llana na negatibo ito sa paggamit ng iligal na droga.

Ang kumpirmasyong ito ng Calubaquib ay magpatitigil sa mga espekulasyon na ang pagpaslang kay Llana ay konektado sa iligal na droga.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ang sling bag na naglalaman ng walong sachet na naglalaman ng tawas ay pagmamay-ari ba ng biktima o iniwan lamang sa kotse ng biktima. (Remate News Team)