Tax amnesty para sa mga apektado ng rehabilitasyon ng Boracay, inirekumenda

Tax amnesty para sa mga apektado ng rehabilitasyon ng Boracay, inirekumenda

October 8, 2018 @ 5:49 PM 4 years ago


 

Boracay – Dahil sa pagkalugi dala ng ginawang rehabilitasyon, inirekomenda  ng isang mambabatas na magpatupad ang pamahalaan ng tax amnesty para sa mga negosyo at manggagawa sa isla ng Boracay.

Ayon kay 1st Consumers Alliance for Rural Energy Rep. Carlos Roman Uybaretta, malaki ang naging epekto sa kabuhayan at sa negosyo ng naging pagsasara ng Boracay kaya dapat lamang ang nasabing hakbang at hindi lamang dapat ito ipatupad sa Boracay o sa Munisipalidad ng Malay kundi maging sa kalapit na lugar ng Altavas, BAnga, Balete, BAtan, Burunga, Ibajay, Kalibo, Lezo, Nabas, New Washisngton, Numancia at Tangalan.

Giit ni Uybaretta na ang pagpapatupad ng tax amnesty ay makatutulong ng malaki para makabawi ang mga residente at ang ekonomiya ng Boracay matapos na mawalan ng kita sa loob ng 6 na buwan na sarado ito.

Isinusulong ng Kongresista na ang tax amnesty ay ipatupad sa taong 2018 at 2019, sa ganitong paraan umano ay agad na makakabangon ang Boracay at makasisiguro na pagdating ng 2020 ay magiging sustainable na ito.

Sa October 15, nakatakda ang dry run sa pagbubukas ng Boracay habang sa October 26 ang soft opening habang ang kabuuan umano ng gagawing rehabilitasyon sa Boracay ay tatagal pa ng mahigit 1 taon. Gail Mendoza