Tax breaks para sa pro-bono doctors, itinutulak sa Kamara

Tax breaks para sa pro-bono doctors, itinutulak sa Kamara

January 3, 2023 @ 5:06 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Bilang pagkilala sa mga doktor na gumagamot sa mga mahihirap, isinulong ni Davao City Rep. Paolo Duterte na mabigyan ng tax incentives ang mga ito.

Ito ng nilalaman ng House Bill (HB) No. 5672 na inihain ni Duterte at tatlo pang kongresista nang sa gayun ay mabigyan ng tax credits ang mga doktor na gumagamot sa mga mahihirap at hindi nagpapabayad.

Kasama ni Duterte na naghain ng panukala sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Partylist Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano na ang pagtuturing sa mga doktor na hindi nagpapayad sa mga pasyenteng mahihirap bago pa man ang pandemya ay “have braved the frontlines.”

Sa pinakahuling datos ng University of the Philippines, aabot sa 3.7 doctors ang tumitingin sa bawat 10,000 Pilipinos na ayon sa World Health Organization (WHO)- ay nasa isang doktor sa bawat 1,000 pasyente o 10 doktor sa bawat 10,000 Pilipino.

Binigyang diin ni Duterte na kahit nakadidismayang bilang na ito ay maraming doktor pa rin ang nagbibigay ng libreng serbisyo lalo na sa malalayong lugar kung saan ang populasyon hindi gaanong natutulungan pagdating sa aspetong pangkalusugan.

“These volunteer physicians took the initiative to extend their helping hands to the poor and marginalized as a response to the unreachable gap in the access to quality healthcare,” ani Duterte.

Sa ilalim ng HB 5672 ang Department of Health (DOH) at ang Philippine Medical Association (PMA) ay inaatasang magsuri sa pro bono services ng mga manggagamot sa pamamagitan ng pagkunsidera sa oras na ipinagsisilbi sa libreng panggagamot.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR), sa pakikipag-ugnayan sa DOH at PMA ay lilikha at maglalatag ng mga panuntunan at regulasyon sa epektibong pagpapatupad ng mga probisyon sa panukala.

Sa ganitong paraan ayon kay Duterte ay marami pang doktor ang magbibigay ng libreng serbisyo kapag naipatupad ang tax breaks sa mga ito. Meliza Maluntag