Taxi driver dedbol sa pamamaril sa Malabon

Taxi driver dedbol sa pamamaril sa Malabon

December 5, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Todas ang isang taxi driver matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek habang nakaupo sa isang tindahan sa Malabon City, Lunes ng madaling araw.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Col. Amante Daro, hepe ng pulisya ng Lungsod ng Malabon, nakaupo at nakikipag-usap ang biktimang si Teodulo Remolano, Jr., 55, biyudo at residente ng Sitio 6, Barangay Catmon sa sidewalk vendor na si Emelita Degacia sa kanto ng RLN Centre Gov. Pascual Avenue at M.H. Del Pilar St. sa Brgy. Tinajeros, nang mula sa kanyang likuran ay lumapit ang dalawang hindi pa kilalang salarin dakong ala-1:45 ng umaga.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang ulit sa ulo ang biktima na agaran niyang ikinasawi habang naglakad lamang na tumakas ang mga salarin na kapuwa nakausot ng itim na jacket matapos ang insidente.

Kaagad namang nagresponde sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/SSgt. Allan Ortega, kasama ang apat na iba pa, upang i-kordon ang lugar.

Nakuha naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala at dalawang depormadong bala ng kalibre .45 pistola na dadalhin sa PNP Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic examination.

Nakikipag-ugnayan na rin sina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol sa mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa lugar upang makakuha ng kopya ng kuha ng nakakabit nilang CCTV camera na maaring makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan sa mga suspek. Boysan Buenaventura