Taxi driver hinoldap na pintulan pa ng dila; notoryus na holdaper timbog

Taxi driver hinoldap na pintulan pa ng dila; notoryus na holdaper timbog

April 25, 2022 @ 10:19 AM 2 months ago


MANDAUE CITY, Cebu- Arestado ang isa sa dalawang notoryus na holdaper matapos putulan ng dila ang taxi driver na isa sa kanilang mga biktima nitong Miyerkules sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Alexander Rematado, 30 taong gulang, habang tugis ang isa pa nitong kasamahan na hindi pa pinangalanan.

Batay sa report ng Talisay Police Station, gabi ng Miyerkules ng madakip ang suspek sa pinagtataguan nito sa Maguikay, Mandaue City.

Sinabi ng pulisya na mayroon na rin standing warrant of arrest si Rematado sa kasong murder at robbery sa Bohol at Carcar.

Nagpapagaling naman ang biktima na kinilalang si Andres Alfanta, 52, taxi driver ng Hadjie taxi na may plakang ACS-3581 at residente sa Brgy. Cantao-an , ng nasabing bayan.

Matatandaan na noong Huwebes Santo ng hapon, Abril 14, 2022 naganap ang insidente sa tabing kalsada malapit sa Marco Polo Hotel sa Barangay Lahug, San Fernando Cebu.

Sa kabila ng hirap sa pagsasalita ni Alfanta nagawa pa rin niyang ikuwento ang pangyayari at nakilala ang suspek.

Aniya, sumakay ang dalawang lalaki kabilang si Rematado na nakaupo sa front seat at kapwa nagpanggap na pasahero.

Pagdating sa lugar bigla na lamang nagdeklara ng holdap ang mga suspek sabay tutok ng baril sa biktima at kinuha ang P1,000.00 na kinita nito mula umaga.

Dagdag pa ng biktima na pinapili pa siya ng mga suspek kung papatayin siya o puputulan ng dila kaya mas pinili na lamang niyang putulan ng dila.

Sinakal siya ng isa sa mga suspek para lumabas ang kanyang dila at doon na pinutol ang halos kalahati ng kanyang dila.

Bumulwak ang dugo at naligo ang biktima saka mabilis na lumabas ng taxi ang mga suspek at tumakas sa hindi malamang direksyon.

Dinala naman sa Talisay ospital ang biktima at nilapatan ng lunas ang putol niyang dila at isasailalim na rin sa speech therapy.

Makalipas ng higit isang linggo naaresto ang suspek sa isinagawang manhunt operation ng pinagsamang pwersa ng Talisay at San Fernando Police Station.

Patung-patong na kaso ngayon ay kinakaharap ni Rematado./Mary Anne Sapico