Taxi driver na pumatay, naghulog sa bangin sa missing lola nadakip

Taxi driver na pumatay, naghulog sa bangin sa missing lola nadakip

February 13, 2023 @ 5:11 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nadakip na ng Quezon City Police District (QCPD) ang responsable sa pagpatay at paghulog sa bangin sa Tanay Rizal sa missing lola na hinoldap ng drayber nang sinakyan na taxi sa lungsod ng Quezon.

Iniharap nitong Lunes, Pebrero 13 sa mga mamahayag ni QCPD Director PBGE Nicolas D. Torre III ang suspek na nakilala na si Mark Anthony Cosio, alias “Mac Mac”, 41 anyos, nakatira sa Brgy. Talipapa, Q.C.

Ayon kay PMaj. Don Don Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, bandang 5:30 ng umaga, noong Enero 14, nang umalis sa kanilang tahanan sa Brgy. Pinyahan, Quezon City ang biktimang si Edilbertha Borruel Gomez, 79, sakay ng taxi na may plakang NBG-1381 na pag-aari ng isang Manuel Celestino Cruz, at minamaneho ng suspek.

Dinala ng taxi driver ang biktima sa La Loma, Quezon City, at binuntutan ng umanoy mga kasabwat niya na nakilalang sina Rolando Masinos Picana, alias “Lanlan,” magkapatid na sina Keith Richard Robosa at Jimbo Robosa sakay ng kulay pulang Sedan.

Sa tulong ng CCTV, nakuha ang plaka ng taxi at natunton si Cosio habang tinutugis pa ang tatlong kasabwat nito.

Positibo namang itinuro ng kapamilya ng biktima na siya ang driver ng taxi na sinakyan ng biktima na magtutungo sana sa Mayon St., para sunduin ang kaniyang kaanak na makakasama nito papuntang Manaoag Pangasinan, pero naaagnas na ito ng matagpuang nakasabit sa kakahuyan sa bangin sa Tanay, Rizal.

Bukod sa pagpatay sa lola, inamin din ng taxi driver na siya at ang kaniyang mga kasamahan ang responsable din sa pagkawala ni Maria Cristina Dela Cruz Capistrano ng Brgy. Holy Spirit, kung saan ay natagpuan naman ang bangkay nito sa Brgy. Laug, Mexico, Pampanga, noong Enero 29.

Nabatid pa na may standing warrant of arrest ang suspek sa Manila Regional Trial Court noong 2002 sa kaso na may kinalaman sa ilegal na droga.

“Kayong mga gumawa ng krimen tulad nito ay walang takas sa ating batas. Kahit saang sulok ng lugar kayo pumunta, kaming kapulisan ay hindi titigil sa paghahanap sa inyo,” pahayag pa ni Torre. Jan Sinocruz