TAYO ANG EDSA

TAYO ANG EDSA

February 27, 2023 @ 10:52 AM 1 month ago


KUNG gaano mukhang kabagal ang Enero 2023, s’ya naman parang bilis dumaan ng Pebrero 2023. Marso na nga sa isang araw, eh.

Bukod sa selebrasyon ng ika-37 na anibersaryo ng EDSA People Power nitong nakaraang Sabado, inumpisahan na rin ang Panahon ng Kwaresma o Lenten Season, nitong Miyerkoles de Ceniza o Araw ng mga Abo noong Feb. 23, 2023. Naisip ko lang na ang gandang paalala ng dalawang napakahalagang mga araw na ito.

Sabi ng kaibigan naming pari, ang pagpapahid ng abo ay mayroong simple pero malalim na kahulugan para sa ating mga Katoliko. ‘Yung abo ay inaamin natin na makasalanan tayo, at ‘yung pormang Krus sa pagpahid ay simbolo nang pagtanggap natin kay Hesus bilang tagapagligtas natin.

Higit sa lahat, inuumpisahan natin ang panahon ng sakripisyo at pagbabalik-loob, para maihanda ang ating mga sarili sa “Pasko ng Pagkabuhay” o ‘Easter’.

Kitang-kita ko naman ang pagsasakripisyo ng marami nating kababayan nito mga nakaraang araw.

Dumating na sa Metro Manila ang halos 300 mga Katutubong Dumagat mula sa Quezon at Rizal para ikwento ang pagtutol nila sa Kaliwa Dam. Nakakatuwa na sinalubong sila ng mga estudyante at mga guro ng Ateneo de Manila noong Miyerkules din nang tumanggap tayo ng abo sa noo.

Nakakabahala nga lang, dahil pagkatapos na puntahan ng mga Dumagat ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Department of Environment and Natural Resources, wala silang nakausap at walang malinaw na tugon sa kanilang mga hinaing.

Ang masaklap pa, pagdating nila sa Mendiola sa Maynila papalapit sa Malacanang, ang humarap sa kanila ay batalyong mga pulis at bumbero na sila’y hinarang.

Sakripisyo ang ginawang lakad at sakripisyo ang iaalay ng mga Dumagat ang kanilang buhay para pangalagaan ang gubat at bulubundukin na nasasakupan ng Sierra Madre.

Katulad ito nang sakripisyong ginawa ng milyong mga Pilipino 37 taon na nakakalipas para panindigan ang demokrasya.

Tayo ang sakripisyo ng EDSA.