Teachers’ group muling humirit ng palit-petsa ng pasukan

Teachers’ group muling humirit ng palit-petsa ng pasukan

August 3, 2022 @ 3:20 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Muling umapela ang grupo ng mga guro sa Vice President at Education Secretary na ilipat ang pagbubukas ng klase sa kalagitnaan ng Setyembre upang magkaroon sila ng sapat na pahinga.

“Walang problema sa amin ang face-to-face [classes]. Ang sa’min lamang naman, ang mga teachers natin hanggang ngayon hindi pa nagpapahinga, hanggang ngayon hindi pa nagkakaroon ng maayos na rest,” ani Teachers’ Dignity Coalition national chairperson Benjo Basas nitong Miyerkules.

Hindi kagaya ng ibang empleyado, ang mga guro ay walang sick o vacation leaves, dagdag niya.

Natapos ang nakaraang school year noong Hunyo 24 at kasado naman ang “Brigada Eskwela” mula Agosto 1 hanggang 26.

Itinakda naman ng Department of Education ang pagbubukas ng sunod na school year sa Agosto 22 — ang petsang inirekomenda ng nakaraang liderato ng DepEd – at matatapos sa Hulyo 7, 2023.

Batay sa DepEd order, pwedeng ipatupad ng mga public at private school sa basic education ang distance at blended learning hanggang Oktubre 31, 2022.

Simula sa Nobyembre 2, kinakailangan nang ikasa ang limang araw na in-person classeskada linggo, kahit ano pa man ang umiiral na alert level status sa lokalidad.

Inihayag ni Basas na nakausap nila so Duterte sa isang virtual meeting nitong Martes.

“Sabi niya, as of now, ito na talaga, tuloy tayo sa August 22… pero hindi naman siya nagsara,” aniya.

“Hindi naman kami nawawalan ng pag-asa lalo na that’s the first time na directly nakausap natin yung ating Vice President and Secretary,” dagdag ni Basas.

Batay sa pinakabagong datos, halos 13 milyong estudyante ang naka-enroll na para sa School Year 2022-2022. RNT/SA