Teachers group pumalag sa pagveto ni PBBM sa poll tax exemption

Teachers group pumalag sa pagveto ni PBBM sa poll tax exemption

August 1, 2022 @ 10:40 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sampal sa mukha.

Ito ang tinuran ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines at ACT Teachers party-list na ginawa ni Pangulong President Bongbong Marcos Jr nang i-veto nito ang panukalang batas na magbibigay ng tax exemption sa honoraria na natatanggap ng mga guro bilang poll workers tuwing eleksyon.

Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro karapat dapat ang mga guro sa maliit na tax exemption na ito kapalit ng mahirap at mapanganib na trabaho tuwing eleksyon.

Giit ni Vladimer Quetua, chairperson ng ACT Philippines na balewala kay Pangulong Marcos ang sakripisyo ng mga guro.

“Pagbale-wala ito sa lahat ng hirap at sakripisyo ng mga gurong sa kabila ng pandemya at iba pang panganib, ay nagbantay sa halalang si Pang. Marcos Jr. rin ang nakinabang,” ani Quetua.

“Apat na taong ipinaglaban ng mga guro ang panukalang batas sa tax-exempted election service pay na inihain ng ACT Teachers party-list, hanggang maipasa ito ng Kongreso at Senado bago magsara ang 18th Congress noong Hunyo 4, 2022. Nilapastangan ni Pang. Marcos Jr. ang pagkilos at panawagan ng mga guro sa kanyang pag-veto sa panukalang batas,”dagdag pa nito.

Sa pagveto sa panukala ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na ang pagbibigay ng tax exemption ay taliwas sa tax program ng gobyerno gayundin ay masyadong malaki ang mawawala na revenue.

Ngunit para kay Quetua hindi dapat panghinayangan ito ng gobyerno.

“Hindi dapat panghinayangan ang ₱1.5 bilyon buwis na isasauli sa may 700,000 poll workers na nagsilbi sa halalan dahil pasasalamat iyan sa kanilang serbisyo at pangdugtong iyan sa panggastos ng kanilang mga pamilya sa gitna ng krisis. Ang malaking kawalan sa bayan ay ang ₱203 bilyon estate tax ng pamilyang Marcos na hanggang ngayon ay hindi nila binabayaran, ani Quetua.

Ang honoraria ng mga poll workers ay itinaas noong 2022, nasa ₱7,000 ang sahod ng chairperson electoral board, ₱6,000 sa members, ₱5,000 sa DepEd supervisor at ₱3,000 sa support staff, sinabi ng Department of Finance na tutol sila sa tax exemption dahil ang honoraria ay bahagi ng gross income na kailangan patawan ng income tax. Gail Mendoza