Teachers’ group sa DepEd: 10K vacant teaching posts punan

Teachers’ group sa DepEd: 10K vacant teaching posts punan

July 14, 2022 @ 8:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang isang teachers’ group nitong Miyerkules sa Department of Education (DepEd) na punan ang libo-libong bakanteng teaching positions sa bansa bago muling umarangkada ang face-to-face classes.

Batay sa ulat, hinikayat ng Alliance of Concerned Teachers (ACT-Philippines) ang DepEd na kumuha ng 10,000 guro base sa 2022 National Expenditure Program bago mag-Nobyembre.

Hiniling din nito sa DepEd na magtalaga ng 100,000 pang mga guro, at sinabing mayroon lamang 800,000 na nagtuturo sa 24 milyong estudyante sa bansa.

“Hindi pwedeng maging siksikan ang ating mga silid-aralan. Hindi maaaring ‘yung ating mga teachers ay mag-handle ng same na bilang ng mga estudyante kagaya nung bago mag-pandemya. Kailangan at least half ng current na mga guro ay maidagdag sa teaching personnel natin upang magawa ito,” ani ACT Philippines secretary general Raymond Basilio.

Iginiit ni Basilio na dapat tutukan ng mga guro ang kanilang mga estudyante upang maalis ang “learning gap” dulot ng online classes dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang ahensya ng edukasyon ukol sa panawagan na ito. RNT/SA